1,090 total reads
Mga Kapanalig, nagsimula na ang 49th ASEAN Summit sa Pilipinas. Malinis na mga kalsada, maayos na paligid, at maaliwalas na tanawin ang sumalubong sa mahigit 20 na pinuno ng mga bansa na dumadalo sa pagtitipon. Pero ang malinis na kalsada, maayos na paligid, at mga maaliwalas na tanawing ito ay nangailagan ng pagsasara ng mga negosyo, pagkawala ng kabuhayan, at pagtatago sa mga suliraning patuloy na kinakaharap ng mga Pilipino.
Bilang bahagi ng mga paghahanda, nagsagawa ng clearing operations ang mga lokal na pamahalaan ng Parañaque at Pasay sa mga kalsadang dadaanan ng mga bisita. Pinaalis at pinagbawalang magtinda ang ilang street vendors, habang ipinasara naman ang ilang maliliit na tindahan at kainan. Dahil dito, pansamantalang nawalan ng kabuhayan ang mga vendors, may-ari ng negosyo, at mga manggagawang umaasa sa arawang kita. Para sa kanila, bawat araw na hindi nakapagtatrabaho ay katumbas ng sahod o kita na hindi maiuuwi sa kanilang pamilya. Sa panahong patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin, malaking dagok ito sa mga pamilyang sapat lamang ang kinikita para maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang higit na kapansin-pansin, sa halip na linisin at ayusin ang paligid ng ilang negosyo, tinakpan pa ang mga ito ng malalaking harang na may larawan ng mga obra ng ating mga national artists. Maging ang mga maruruming ilog at mga informal settlements na tanaw mula sa ilang kalsadang dadaanan ng mga dayuhang bisita ay ikinubli sa likod ng mga pinagdugtung-dugtong na plywood.
Malinaw na layunin ng mga harang na ito na itago ang mga problemang kinakaharap ng bansa. Pagkatapos ng ASEAN Summit, aalis din ang mga bisita at aalisin din ang mga harang, pero mananatili ang mga maralitang komunidad, maruruming ilog, at iba pang suliraning hindi naman nalutas.
Kaya ang tanong natin: bakit hindi na lang pangmatagalang solusyon ang gawin sa mga itinuturing na pangit sa mata ng publiko?
Sa halip na itago ang mga ito kapag may mga dayuhang bisita, bakit hindi na lang pagtuunan ng pansin ang disenteng pabahay, malinis na mga daluyan ng tubig, at permanenteng lugar para sa mga nasa impormal na sektor ng ekonomiya?
Hindi dapat pagandahin ang Pilipinas para lamang mag-iwan ng magandang impresyon sa mga lider ng ibang bansa. Mas mahalagang makita at maramdaman mismo ng mga Pilipino ang pag-unlad. Hindi dapat pansamantala lamang ang mga hakbang upang maging maayos ang ating mga komunidad. Dapat itong makita at maramdaman sa araw-araw, may mga dayuhang bisita man o wala.
Sa Catholic social teaching na Rerum Novarum, sinasabing tungkulin ng isang ama na tiyakin ang kapakanan at pangangailangan ng kanyang pamilya. Hindi niya dapat pabayaan ang kanyang pamilya upang bigyang-kasiyahan ang ibang tao. Ganoon din ang pananagutan ng mga namumuno sa ating bansa. Bilang mga halal na opisyal na pinagkatiwalaan ng mamamayan, dapat nilang tiyaking ang kanilang mga desisyon at programa nila ay tunay na nagsusulong sa kapakanan ng mga Pilipino. Hindi sapat na maipakita nilang maayos ang bansa sa paningin ng ibang mga bansa kung hindi naman ito nararamdaman ng sarili nilang mamamayan.
Mga Kapanalig, mahalagang maipakita natin sa mga karatig-bansa ang isang Pilipinas na maganda makitungo at handang makipagtulungan sa lahat. Pero higit na mahalagang maipakita natin ang isang pamahalaang naglilingkod at nagmamalasakit sa sarili nitong mamamayan. Sa Mateo 6:1, pinaaalalahanan tayo ni Hesus na huwag gumawa ng mabuti para purihin lang ng ibang tao. Gaya ng hamon ni Hesus, hamunin din natin ang ating mga pinuno: gawin ang tama hindi lamang kapag may mga dayuhang nakatingin, kundi lalo na kapag ang tanging nakakakita sa kanilang ginagawa ay ang mga Pilipinong araw-araw na umaasa sa kanilang paglilingkod.
Sumainyo ang katotohanan.




