1,145 total reads
Layunin ng kauna-unahang Veritas Truth Awards ng Radyo Veritas na kilalanin at palakasin ang loob ng mga indibidwal at institusyong naninindigan para sa katotohanan, integridad at katarungan sa gitna ng paglaganap ng maling impormasyon at mga impormasyong hindi dumaan sa wastong beripikasyon.
Sa panayam sa programang Barangay Simbayanan, ipinaliwanag ni Radyo Veritas Chief Strategy Officer Bro. Clifford Sorita ang layunin, proseso ng pagpili at mga kategorya ng parangal na gaganapin sa Nobyembre 21, 2026, sa Gonzalez Hall ng Claret School of Quezon City.
Ayon kay Sorita, nakaugat ang pagkakaloob ng parangal sa pangunahing pagpapahalaga ng himpilan sa katotohanan, na siyang kinakatawan ng pangalang Veritas.
Bitbit ng kauna-unahang Veritas Truth Awards ang temang “Standing Tall in the World of Shadows: Defeating Duplicity, Dispelling Darkness, Defending Truth,” bilang pagtugon sa mabilis na pagkalat ng maling impormasyon at mga impormasyong hindi dumaan sa wastong pagsusuri.
“Bilang istasyon na talagang ang ating core value ay katotohanan, Veritas, tayo po ay talagang naglunsad na nitong first Veritas Truth Awards, bilang promotion na rin doon sa tinatawag nating pagpapasinaya sa katotohanan,” pahayag ni Sorita.
Inihayag ni Sorita na umabot sa mahigit 900 ang mga nominado mula sa iba’t ibang kategorya matapos magsagawa ang Radyo Veritas ng online open nomination at makipag-ugnayan sa iba’t ibang institusyon.
Sumailalim ang mga indibidwal at organisasyong nominado sa proseso ng pagsusuri batay sa itinakdang pamantayan bago isailalim sa paunang pagpili.
Mula sa mahigit 900 nominado, nilimitahan sa sampung kandidato bawat kategorya ang mga nakapasok sa susunod na yugto, habang 12 kandidato naman ang naitala para sa Summum Veritatis Award.
Mula rito, nagsagawa ng deliberasyon ang Board of Judges upang piliin ang limang finalist sa bawat kategorya, bago tukuyin ang mga magwawagi sa huling pagpili.
Pinamumunuan ni Radyo Veritas President Rev. Fr. Roy Bellen ang Board of Judges na kinabibilangan nina Atty. Domingo Reyes Jr., presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila; Dr. Nancy Felipe ng Philippine Women’s University; Edwin Lopez, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Social Communications at bahagi ng EWN; Atty. John Castriciones, kinatawan ng Catholic Advocates for Responsible Electorate o CARE; at Rev. Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs.
Anim na kategorya ng parangal
Ipinaliwanag ni Sorita na binubuo ang Veritas Truth Awards ng limang pangunahing kategoryang kumakatawan sa mga titik ng salitang T-R-U-T-H, na susundan ng Summum Veritatis Award para sa mga institusyon at organisasyon.
Kabilang sa mga parangal ang:
Triumph of Integrity Award – para sa mga indibidwal na naninindigan sa paggawa ng tama sa kabila ng mga panggigipit at pagsubok, partikular ang mga whistleblower na naglalantad ng katiwalian at maling gawain.
Rays of Light in Darkness Award – kumikilala sa mga nagbibigay ng pag-asa at beripikadong impormasyon sa panahon ng krisis at kaguluhan.
Unwavering Voice of Conscience Award – para sa mga mamamahayag at manunulat na tapat at walang kinikilingang nag-uulat ng mga katotohanan.
Testimony of Life Award – nagbibigay-pugay sa mga ordinaryong indibidwal na nagsasabuhay ng katapatan at matuwid na pagkilos sa araw-araw.
Heart for Justice and Truth Award – para sa mga lingkod-bayan at tagapagtaguyod ng karapatan na nangangalaga sa mga bulnerableng sektor at nagtataguyod ng batas nang may integridad.
Summum Veritatis Award – para sa mga institusyon, organisasyon at grupong sama-samang naninindigan para sa katotohanan.
Nilinaw naman ni Sorita na walang nakalaang premyong salapi para sa mga mapipiling awardee. Sa halip, bibigyang-pansin ng Radyo Veritas ang kanilang mga nagawa at adbokasiya sa pamamagitan ng mga plataporma ng himpilan at mga katuwang nitong organisasyon, kabilang ang mga social communication ministry.
“Ang mas mahalaga naman kasi po talaga is to highlight talaga ‘yung kanilang ginawang adbokasiya, eh, para mas mag-flourish pa ‘yung ginagawa nilang adbokasiya sa ating lipunan,” dagdag ni Sorita.
Umaasa rin ang himpilan na magiging taunang pagkilala ang Veritas Truth Awards sa mga taong patuloy na naninindigan para sa katotohanan.
Bukod dito, inihahanda rin ng Radyo Veritas ang isang Truth Campaign sa susunod na taon na magbibigay-pansin sa maliliit ngunit makabuluhang gawa ng katapatan at pagtatanggol sa katotohanan sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Binigyang-diin ni Sorita ang kahalagahan ng mga whistleblower at ng mga taong pinipiling maging tapat sa kanilang trabaho, pamilya, paaralan at iba pang larangan ng buhay.
“Honesty is really sometimes, you know, hard. In a world today na talaga ang hirap maging honest,” ani Sorita, na tumukoy sa hamon ng pagpapanatili ng katapatan sa kasalukuyang panahon.
Samantala, muling inanyayahan ni Sorita ang mga Kapanalig na makiisa sa kauna-unahang Veritas Truth Awards sa Nobyembre 21, 2026, mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Isasahimpapawid nang live ang programa sa mga media platform ng Radyo Veritas at mga katuwang nitong organisasyon.
Sa pamamagitan ng pagkilala sa mga indibidwal at grupong naninindigan para sa tama, layunin ng Radyo Veritas na ipakita na sa kabila ng paglaganap ng kasinungalingan at disinformation, marami pa ring patuloy na nagtatanggol sa katotohanan, katarungan at kabutihang panlahat.




