3,392 total reads
Kinondena ng Conference of Major Superiors in the Philippines – Justice, Peace and Integrity of Creation Commission (CMSP-JPICC) at mga katuwang nitong organisasyong misyonero ang mga naiulat na arbitraryong pag-aresto, mararahas na dispersal at labis na paggamit ng puwersa ng pulisya laban sa mga estudyante, manggagawa at iba pang mamamayang lumahok sa mga kilos-protesta kaugnay ng ASEAN Summit at Pax Silica initiative.
Sa pahayag na inilabas noong Nobyembre 15, 2026, iginiit ng grupo na hindi krimen ang mapayapang protesta at hindi dapat ituring na banta sa demokrasya ang pagpapahayag ng pagtutol sa mga patakaran ng pamahalaan.
Partikular na tinukoy ng komisyon ang mga ulat ng pananakit at pag-aresto sa mga estudyanteng nagprotesta mula sa University of Makati noong Nobyembre 13, gayundin ang mga sumunod na pag-aresto sa iba pang raliyista at miyembro ng Lakbayan delegation.
Ayon sa CMSP-JPICC, kailangan ng agarang at independiyenteng imbestigasyon sa mga ulat ng pisikal na pananakit, pananakot at pagsupil sa mapayapang mga demonstrasyon.
“Peaceful protest is not a crime. Dissent is not a threat to democracy. The exercise of constitutional rights must never be met with violence, intimidation, or arbitrary detention,” bahagi ng pahayag ng grupo.
Binigyang-diin ng CMSP-JPICC na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang kalayaan sa pananalita, pagpapahayag at mapayapang pagtitipon, at hindi dapat nakasalalay sa kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang paggamit sa mga karapatang ito.
Giit ng grupo, hindi maaaring gamiting katwiran ang anumang international summit, pagtitipong diplomatiko o kaayusang panseguridad upang bigyang-katwiran ang ilegal na pag-aresto, labis na paggamit ng puwersa at pagsupil sa lehitimong pagpapahayag ng saloobin ng publiko.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga relihiyoso at mission partner nito sa pagtrato sa mga kabataan, manggagawa at marhinalisadong sektor na nagtataas ng mga usapin tungkol sa pambansang soberanya, katarungang pang-ekonomiya, pangangalaga sa kalikasan at kinabukasan ng bansa.
Sa halip na dahas at pananakot, hinimok ng grupo ang mga awtoridad na bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na maipahayag ang kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng makabuluhang diyalogo.
Binigyang-diin din ng CMSP-JPICC na ayon sa panlipunang katuruan ng Simbahan, umiiral ang kapangyarihang pampolitika upang paglingkuran ang kabutihang panlahat at hindi upang patahimikin ang mga kumukuwestiyon sa mga desisyon ng pamahalaan.
“The Church’s social teaching reminds us that political authority exists to serve the common good, not to silence those who question its decisions,” dagdag ng grupo.
Nanawagan din ang CMSP-JPICC at mga katuwang nitong organisasyon sa agarang pagpapalaya sa mga inaresto na mapatutunayang ikinulong dahil lamang sa mapayapang paggamit ng kanilang mga karapatan, gayundin sa pagbabasura ng mga kasong isinampa nang walang sapat na legal na batayan.
Hinimok din nila ang mga awtoridad na itigil ang mararahas na dispersal, pananakot, panggigipit at arbitraryong pag-aresto sa mga mapayapang nagpoprotesta, estudyante, mamamahayag, tagapagtanggol ng karapatang pantao at mga tagapagtaguyod ng komunidad.
Kabilang din sa kanilang mga panawagan ang pagsasagawa ng Commission on Human Rights at iba pang kinauukulang institusyon ng patas at independiyenteng imbestigasyon sa mga alegasyon ng pagmamalabis ng pulisya, ilegal na detensiyon at labis na paggamit ng puwersa, at pagpapapanagot sa mga mapatutunayang responsable.
Hiniling din ng grupo na tiyakin ang due process at agarang access sa abogado, serbisyong medikal at pakikipag-ugnayan sa pamilya para sa lahat ng inaresto o ikinulong.
Kasabay nito, nanawagan silang igalang at pangalagaan ang kalayaan sa pagpapahayag at mapayapang pagtitipon, at mahigpit na ipatupad ng mga alagad ng batas ang maximum tolerance sa buong panahon ng ASEAN Summit at mga kaugnay nitong aktibidad.
Pinaalalahanan din ng CMSP-JPICC ang mga opisyal ng pamahalaan at mga alagad ng batas na hindi lamang pagpapanatili ng kaayusan ang kanilang tungkulin, kundi pati ang pangangalaga sa dignidad, kaligtasan at mga pangunahing karapatan ng bawat mamamayan, kabilang ang mga hindi sumasang-ayon sa mga patakaran ng pamahalaan.
Hinimok naman nito ang publiko na ipahayag ang kanilang mga pagtutol sa mapayapa, responsable at hindi marahas na paraan, habang iginagalang ang dignidad ng bawat tao.
Bilang mga tagasunod ni Kristo, iginiit ng mga relihiyoso at kanilang mga katuwang na organisasyon na hindi maaaring manahimik ang Simbahan sa harap ng pagsupil sa tinig at paglabag sa dignidad ng mamamayan.
“Silence in the face of injustice cannot be mistaken for peace,” ayon sa pahayag.
Binigyang-diin din ng grupo na hindi nakakamit ang tunay na kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatahimik sa mga tumututol, kundi sa pamamagitan ng katarungan, diyalogo, paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa mga higit na nangangailangan.
Nagpahayag din ang CMSP-JPICC ng pakikiisa sa mga inaresto at nasugatan, sa kanilang mga pamilya, at sa lahat ng mapayapang nagtatanggol sa dignidad at karapatan ng mamamayan.
Hinimok din nito ang pamahalaan na patunayan sa pamamagitan ng kongkretong pagkilos na ang pangako nito sa demokrasya at karapatang pantao ay hindi lamang nakasaad sa mga internasyonal na deklarasyon, kundi naisasabuhay din sa mga lansangan kung saan ginagamit ng mga ordinaryong Pilipino ang kanilang mga kalayaan.
Giit ng CMSP-JPICC, “Let the people speak. Let justice prevail. Let peace be rooted in truth and human dignity.”




