5,713 total reads
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na magpapalawak sa government voucher assistance program upang mabigyan ng pagkakataong makapag-aral sa mga pribadong paaralan ang mas maraming kwalipikadong estudyante.
Layunin ng programa na mabawasan ang pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan at mabigyan ng mas maraming pagpipilian ang mga mag-aaral sa kanilang edukasyon.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12327 o Basic Education Voucher Assistance Act, maaaring makinabang ang mga estudyanteng kabilang sa middle-income households at mga pamilyang mas mababa ang kita.
Bibigyang-prayoridad ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralang kulang sa silid-aralan, mga nakatira sa lugar na walang malapit na pampublikong paaralan, at mga senior high school student na walang sapat na pagpipilian sa mga asignatura at elective.
Ang Department of Education o DepEd ang magtatakda ng halaga ng voucher batay sa kakayahang pinansyal ng pamilya.
Ang batas ay muling pag-aaralan kada tatlong taon sa halaga ng voucher at maaari ring madagdagan ang pondo sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sponsor.
Itinatakda rin ng batas ang pagbuo ng Bureau of Private Education na mangangasiwa sa kalidad ng edukasyon at regulasyon ng mga pribadong paaralang lalahok sa programa.
May nakapaloob ding mga probisyon upang maiwasan ang pandaraya at maling paggamit ng pondo para sa voucher assistance.
Bilang bahagi ng paunang pagpapatupad, uumpisahan ang programa sa Kindergarten at elementarya sa School Year 2027–2028.




