397 total reads
Binigyang-diin ni Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. na dapat maging sentro ng debosyon at misyon ng Simbahan ang pagkalinga sa mga maralita, partikular sa mga taong naninirahan sa lansangan, sa pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng St. Joseph Shrine sa Quezon City.
Sa kaniyang pagninilay, sinabi ni Bishop Ayuban na naging natatangi ang pagdiriwang dahil ang Persons in Street Dwelling Situations (PSDS) ay hindi lamang tumanggap ng tulong mula sa Simbahan kundi naging aktibong bahagi rin ng banal na misa bilang mga kasapi ng choir at katuwang sa iba’t ibang tungkulin.
Tinawag din niya ang mga ito bilang mga tunay na tagapaghatid ng Mabuting Balita.
Binigyang-diin ng obispo, batay sa Ebanghelyo tungkol sa dukhang balo na naghandog ng dalawang kusing, na hindi nasusukat sa halaga ng ibinibigay ang tunay na diwa ng pagkakawanggawa kundi sa pagmamahal at sakripisyong kaakibat nito.
Iginiit ng Obispo na higit na mahalaga ang pagbabahagi hindi lamang ng mga bagay na sobra sa isang tao kundi maging ng sariling panahon, talento, at mga bagay na kinakailangan din niya.
Bilang kongkretong pagsasabuhay ng mensaheng ito, pinangunahan ni Bishop Ayuban ang pagbabasbas sa “Kasama Ka, San Jose – Drop-in Community Kaagapay Center,” na binuksan bilang bahagi ng ika-75 anibersaryo ng parokya.
Ito ang ikatlong drop-in center sa ilalim ng Diyosesis ng Cubao na nakalaan para sa mga taong naninirahan sa lansangan.
“Hindi lamang sila ang tagatanggap ng ating mga kawanggawa. Sila ay naging kasama natin dito sa altar, kasama sa choir at sa iba’t ibang tungkulin pa sa ating pagdiriwang. They are not only the recipients of our works of charity, they are our true evangelizers.”” ayon sa pagninilay ni Bishop Ayuban.
Ayon naman kay Parochial Vicar Father Gelo Parlan, layunin ng pasilidad na magbigay ng libreng access sa mga pangunahing pangangailangan ng mga PSDS, kabilang ang paliligo, pagluluto ng pagkain, at paglalaba ng damit. Magsisilbi rin itong kanlungan sa panahon ng kalamidad at lugar para sa kanilang paghubog at pagpapaunlad ng kakayahan.
Ipinaliwanag ni Parlan na bahagi ito ng konkretong pagtugon ng parokya sa hamon ng misyon at pangangalaga sa dignidad, kalusugan, at karangalan ng mga kapatid na nasa lansangan.
Sa pagdiriwang na may temang “Pusong Puno ng Debosyon, Puso ng Misyon,” hinimok ng mga lingkod ng Simbahan ang mga mananampalataya na palalimin ang debosyon kay San Jose sa pamamagitan ng aktuwal na paglilingkod sa kapwa, lalo na sa mga higit na nangangailangan.




