320 total views
Higit pang dapat paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan.
Ito ang panawagan ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro matapos ang malawakang pagbaha na nakaapekto sa kanilang lungsod.
Ayon sa alkalde, higit sa 20,000 katao ang lumikas sa kasagsagan ng habagat sa Marikina bunsod ng pag-apaw ng Marikina river.
“Nakikita ko po backlash ito ng hindi pangangalaga ng mabuti sa kalikasan. Ito po’y panawagan sa lahat sa atin na ang kalikasan ay dapat pangalagaan. Ako po ay natutuwa dahil nabalitaan ko, yung mga quarrying na ginagawa sa San Mateo at Rodriguez ay pinatigil na ng DENR,” ayon kay Teodoro.
Ikinatutuwa din ni Teodoro ang naging kautusan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipahinto ang quarrying sa San Mateo at Rodriguez sa Rizal na siyang nagdudulot ng pagbaha lalu na sa mabababang lugar kabilang na ang Marikina at ilang bahagi sa Metro Manila.
“Apektado po kasi tayo. Yun pong Marikina river ay part ng isang river system, downstream river at downstream community kaya kung ano ang nangyayari sa taas ang epekto ay dito sa atin baba. Hindi lamang po Marikina ang makikinabang diyan,” ayon pa kay Teodoro sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Una na ring nanawagan ang kanyang kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko na kabilang sa responsibilidad ng bawat isa ang pangangalaga sa kalikasan dahil ang pagkasira nito ay nagpapalala sa mga kalamidad na nararanasan ng bansa.
Sa nakalipas na epekto ng habagat higit sa isang milyon katao ang naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbaha mula sa 713 barangay sa Region 1 at 2; Calabarzon, Cordillera Administrative Region at Metro Manila.