167 total views
Hindi prayoridad ng Administrasyong Duterte ang pagsuri sa mga naging anomalya ng nagdaang administrasyon.
Pahayag ito ng Malacanang sa panawagan ng ilang grupo na papanagutin at isulong ng kasalukuyang administrasyon ang pagsasampa ng kaso sa ilang mga opisyal ng Aquino Administration na may kaugnayan sa iba’t ibang kontrobersyal na usapin tulad ng Mamasapano Incident, Disbursement Acceleration Program o DAP, Pork Barrel Scam at ilang pang usapin ng katiwalian.
Ayon kay Presidential Spokesperson Undersecretary Ernesto Abella, hindi ito ang prayoridad ng pamahalaan dahil sa mas maraming mahahalagang bagay at usaping dapat tutukan at aksyunan ang administrasyon sa kasalukuyan.
Gayunman, tiniyak ng Kalihim na pananagutin ang lahat ng mga nang-abuso sa posisyon sa nagdaang administrasyon at maging sa mga kasalukuyang opisyal ng Duterte Administration.
“Everything has to follow a particular process. But at this stage also, we need to attend to urgent and important matters at hand. But definitely these things are within the scope of the intention to fight corruption and to make sure that things that have been, things are made right…” ang bahagi ng pahayag ni Presidential Spokesperson Undersecretary Ernesto Abella.
Dahil dito, inihayag ni Abella ang naturang hamon sa lahat ng mga opisyal ng Administrasyon upang magpursigeng maglingkod ng tapat sa mamamayan.
Sa pag-aaral ng IBON Foundation noong 2015, nasa P2-trilyon sa loob ng tatlong taon ang nasasayang na buwis ng mamamayan dahil sa katiwalian.
Samantala, ayon nga sa Kanyang Kabanalan Francisco “Ang Pulitika ay isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa…” dahil sa pagtutuk sa common good o ang mas makabubuti para sa lahat.