179 total views
Hinimok ng obispo ng Prelatura ng Isabela de Basilan ang national government na imbestigahan ang mga (LGUs) o Local Government Units sa kanilang lalawigan kaugnay ng usapin ng katiwalian.
Ayon kay Bishop Martin Jumoad, kabilang na dito ang hindi pagsusumite ng mga benepisyo ng kanilang mga kawani gaya ng GSIS o Government Service Insurance System.
Sinabi ng obispo na may mga kakilala siyang mga nagretiro, subalit hanggang sa namatay hindi napakinabangan ang benepisyo dahil hindi nagbabayad ng premiums ang munisipyo na kanilang pinagta-trabahuhan.
“Kailangan may political will, yung mga mayors, magandang magbigay ng report pero marami mga tao nag-retire hindi pa nakatanggap ng GSIS nila, ito ang katotohanan. I hope they will look at the record for Basilan, there are so many mayors who have not remitted GSIS premiums for their people, sa mga munisipyo, kasi may mga goons-goons sila, I know of someone who retired, and now he died, and walang received na gsis, pensyon wala, kasi di nakapagbayad ang munisipsyo sa GSIS premiums,” pahayag ni Bishop Jumoad sa programang Barangay Simbayanan sa Radyo Veritas.
Umaasa si Bishop Jumoad na magiging seryoso ang administrasyong Duterte sa mga pag-iimbestiga sa mga katiwalian.
Ayon sa obispo, kahit ang IRA o Internal Revenue Allotment dapat pa-imbestigahan ng Pangulo.
“I hope the government must be honest and sincere, bring it to COA, maybe they are just waiting for the report, maganda ang mga report maski sa mga barangay tingnan ninyo ang IRA binebenta na yun, maraming problema talaga dito sa Basilan I hope bigyan ito ng atensyon ng president,” ayon pa sa obispo.
Kamakailan, nilagdaan ng Pangulong Duterte ang Freedom of Information Bill na layong maging transparent na ang lahat ng transaksyon ng gobyerno upang maiwasan na ang mga katiwalian.
Noong 2014, naging kontrobersyal ang pork barrel ng mga mambabatas dahil daan-daang milyong piso ang sinasabing napunta lamang sa mga bogus na foundation ni Janet Lim-Napoles at sa bulsa ng maraming congressmen at ilang senador na ngayon ay nakakulong at nililitis dahil sa kasong plunder.