204 total views
Humihingi ng isang araw na Misa para sa mga kaluluwa ng mga namayapa ang Archdiocese of Manila Public Affairs Ministry sa lahat ng mga diocese at parokya sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Atilano “Nonong” Fajardo, director ng RCAM Public Affairs Ministry, nawa ay ialay ang isang araw (Biyernes) na Misa upang magkaroon ng kapayapaan sa bawat lugar sa bansa lalo na at nagpapatuloy ang laban ng gobyerno kontra iligal na droga.
“Nakita ko gaano ka-effective yung Misa para sa mga kaluluwa ng ating mga kababayan na pinatay. Hiling ko sa mga obispo, parish priests na magtalaga ng isang araw o gawing Friday, magkakaroon ng Misa sa lahat ng pinaslang. Alam ko bawat lugar natin marami nang pinatay at mapapatay pa,” ayon kay Fr. Fajardo sa panayam ng programang Barangay Simbayanan sa Radyo Veritas.
Pahayag pa ni Fr. Fajardo, kinakailangan nating manalangin para sa ating kaligtasan at ito ay pagpapakita na rin na kapit-kamay ang mga mananampalatayang katoliko para sa pagtatanggol sa buhay.
“Tayo na ang mananalangin para sa sarili nating kaligtasan, sana tuwing Biyernes isang araw sa isang linggo alay natin ang Misang ito para dun sa mga namatay nating kaibigan, parokyano, para ipakita ang solidarity na ang pananampalatayang katoliko ay nagsasama-sama hindi lamang sa buhay na ito kundi sa kabilang buhay pa,” ayon pa sa pari.
Kahapon, isang Misa ang inialay ng ministry para sa mga kaluluwa ng mga namayapa sa bansa partikular na sa mga napapatay sa operasyon ng gobyerno laban sa iligal na droga na mula July 1-21, halos 300 na ang bilang.