279 total views
Nakikiisa ang Task Force Detainees of the Philippines sa kasalukuyang administrasyong Duterte sa pagsugpo sa laganap na bentahan at kalakalan ng illegal na droga sa bansa.
Gayunman, iginiit ni Sr. Cresencia Lucero, Chairperson of the Board ng TFDP na hindi katanggap-tanggap ang pamamaraan ng mga otoridad sa kung saan patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa gitna ng mga operasyon ng mga pulis laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Paliwanag ni Sr. Lucero, tahasang paglabag sa karapatan ng isang tao at proseso ng batas ang naturang paraan kung saan dapat ring bigyan ng pagkakataon ang mga nasasakdal na dumaan sa tama at legal na proseso ng paglilitis.
“Sinusuportahan naman natin yung fight against drug and criminality dun sa drug, pero yung the way it is done diba, the manner it is executed, eh mahigit limang daan na yung pinapatay. This is against basic fundamental invaluable right to life, maganda yung mga initiatives niya for peace, for the whole country maganda yun, sinusuportahan natin yun,” pahayag ni Sr. Lucero, sa panayam sa Radio Veritas.
Sa pinakahuling tala ng (PNP) Philippine National Police, mula lamang July 1 hanggang 21 ngayong taon ay tinatayang umaabot na sa 245 ang mga namamatay sa gitna ng operasyon ng mga pulis, higit 121, 000 ang kusang sumuko, higit 3,500 ang inaresto habang tinatayang 62,000 bahay ang pinasok sa ilalim na rin ng Oplan Tokhang.
Samantala, nasasaad sa Article III Bill of Rights, Section 1 ng Saligang Batas na hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sino mang tao nang hindi kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.
Sa social doctrine of the Church, maging ang mga hinihinalang kriminal ay may karapatang magbago na hindi dapat ipagkait ng lipunan at ng estado dahil posibleng maging biyaya din sila sa kanilang kapwa sakaling tuluyan silang magbagong buhay.