17,813 total views
Opisyal na lumagda sa kasunduan ang pamunuan ng Archdiocese of Caceres at lokal na pamahalaan ng Naga City para sa paghahahanda sa nalalapit na paggunita ng Peñafrancia 2024.
Pinangunahan ni Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon ang naganap na Peñafrancia 2024 Multi-agency Cooperation Group Memorandum of Agreement signing and meeting na dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Naga sa pangunguna ni Mayor Nelson Legacion at iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan noong ika-12 ng Agosto, 2024.
Pinagkasunduan ng Simbahan at ng lokal na pamahalaan ang naangkop na paghahanda para sa kaayusan at seguridad sa nakatakdang Peñafrancia 2024.
Bukod sa taunang Peñafrancia Festival ay gugunitain din sa darating na Setyembre ang Centenary of the Canonical Coronation ng imahen ng Our Lady of Peñafrancia.
Ayon kay Archbishop Alarcon, mahalaga ang pagtutulungan ng Simbahan at ng lokal na pamahalaan upang matiyak na mapangalagaan ang mahigit sa 300-taong debosyon sa Mahal na Ina ng Peñafrancia na naging bahagi na din ng tradisyon at kultura sa Bicol region.
“We certainly those of us who are devotees, Catholics we honor Our Lady who’s Canonical Coronation we commemorate which happened 100 years ago and of course this devotion that happens in September which brings more than a million pilgrims and tourist did not only happened yesterday it is a tradition, a religious tradition, a cultural tradition that we have taking care of as a people for many years even centuries because we have celebrated already 300 years of devotion to Our Lady but also because we come here as a people.” bahagi ng pahayag ni Archbishop Alarcon.
Ang nakatakdang Peñafrancia 2024 ang kauna-unahang Kapistahan ng Mahal na Ina ng Peñafrancia na pangangasiwaan ni Archbishop Alarcon bilang bagong arsobispo ng Caceres.
Tumatagal ng isang linggo ang paggunita ng Kapistahan ng Our Lady of Peñafrancia na nagsisimula ng ika-13 ng Setyembre kung saan inililipat ang milagrosong imahen ng Nuestra Señora de Peñafrancia mula sa kanyang dating dambana patungo sa Naga Metropolitan Cathedral sa pamamamagitan ng Traslacion o prosisyon.
Isa lamang ito sa tatlong gawain ang pinakatambok sa pagdiriwang sa kapistahan ng Mahal na Ina ng Peñafrancia bukod pa sa Fluvial Procession na ginagawa tuwing ika-21 ng Setyembre at ang mismong Dakilang Kapistahan ng Our Lady of Peñafrancia tuwing ika-22 ng Setyembre.
Nakatakda naman ang paggunita ng Centenary of the Canonical Coronation ng imahen ng Our Lady of Peñafrancia sa ika-20 ng Setyembre, 2024 na layuning balikan ang mga biyaya at paggabay ng Panginoon sa nakalipas na isandaang taon ng patuloy na paglaganap ng debosyon sa Mahal na Ina ng Peñafrancia.
PAGDAGSA NG MGA DEBOTO AT TURISTA PARA SA PEÑAFRANCIA FESTIVAL
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Naga City ang kaayusan, kaligtasan at pangkabuuang seguridad ng mga dadalo sa taunang ng Traslacion at Fluvial Procession ng imahen ng Mahal na Ina ng Peñafrancia.
“Just recently Naga City received the honor as top 1 tourist destination in the Bicol region and number 7 in the entire country, and the most number of visitors of tourist arrivals in the city is registered usually during the month of September. Its therefore also for this reason that we have to ensure the safety of our visitors and pilgrims. I call upon each one of you to work together with dedication, professionalism and a shared vision to ensure that this year’s Peñafrancia Festival becomes an extraordinary and memorable experience for all involve.” Ayon kay Mayor Legacion.
Ipinagdiriwang ang Peñafrancia Festival na debosyon sa Mahal na Ina ng Peñafrancia at maging sa Divino Rostro o Holy Face of Jesus tuwing buwan ng Setyembre na dinadagsa hindi lamang ng mga mananamapalataya kundi maging mga turista.
Tema ng Peñafrancia 2024 na paggunita rin sa Centenary of the Canonical Coronation ng imahen ng Our Lady of Peñafrancia ang “Se siempre la Reina, Pamanang Banal: Atamanon, Padanayon, Palakopon” na isa ring paraan upang bigyang pugay at parangal ang mahigit sa 140-taong debosyon sa Divino Rostro at mahigit 310-taong debosyon sa Mahal na Ina ng Peñafrancia na siyang patron ng Bicol region.