217 total views
Nagpahayag din ng pakikiisa at panalangin ang Archdiocese ng Palo, Leyte na nawa ay hindi maging mapaminsala ang Super Typhoon Ompong na inaasahang mananalasa sa silangan at hilagang bahagi ng Luzon.
Ipinagdarasal ni Palo, Leyte Archbishop John Du na maging ligtas sa kapahamakan ang mamamayan sa kabila ng inaasahang pananalasa ng malakas na bagyo.
Base sa 11am forecast ng Pagasa, maaring sa Miyerkules ng hapon ay posibleng itaas sa ‘super typhoon category’ ang bagyong Ompong at higitan pa ang lakas ng bagyong Yolanda.
Inaasahang lumakas pa ang taglay na lakas ng hangin mula 220 hanggang 270 kilometro at pagbugsong 270 kilometro kada oras ng bagyong Ompong.
Hinihikayat din ng Arsobispo ang bawat isa na manalangin at hingin ang biyaya ng katatagan sa Diyos at pagtitiwala sa kaniyang pagmamahal.
“Lord God our Father. We pray for the people especially our brothers and sisters in the northern part, who’s going to be affected by the typhoon that is going to come. Drive them away from every destruction. And Give them the grace of strength that they can be able to manage well especially when the typhoon comes and may lives be saved. Above all that they will always be trusting to Your mercy and love. We ask this through Christ our Lord, Amen,” panalangin ni Archbishop Du
Ang Palo Leyte ang pangunahing nasalanta ng Super Typhoon Yolanda noong 2013 na siya ring nagbigay daan sa pagbisita ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas noong 2015.
Mahigit sa 6,000 ang nasawi ng mapaminsalang bagyo na nakaapekto sa malaking bahagi ng Visayas region.
Bukod sa mga bahay, gusali at mga pananim, kabilang din sa mga nasira ng bagyong ‘Yolanda’ ang Transfiguration of Our Lord Cathedral at ang archbishop palace sa Palo gayundin ang higit sa sampung mga makasaysayang simbahan sa Western at Central Visayas.
Tiniyak naman ni Archbishop Du ang pagtulong sa mga posibleng maapektuhan ng bagyo na isang paraan din ng pasasalamat ng kanilang lalawigan sa mga tumulong sa kanila sa panahon ng kalamidad.
“Everything is okay. We are back to normal. We are thankful for every assistance and all the support given to us. We also pray that the people in the North will also be safe. We sure the people will be supporting them. We will support them especially to us when we experienced the typhoon Yolanda,” ayon kay Archbishop Du.
Sa kasalukuyan, sinabi ng Arsobispo na nakabalik na sa normal ang buhay ng mga taga-Leyte dahil na rin sa malasakit ng marami hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa limang taon na ang nakalilipas.