1,452 total views
Umaapela ang Archdiocese of Tuguegarao ng panalangin para sa lahat ng mga nasalanta ng malawakang pagbaha sa Cagayan kasunod ng mga bagyo na nanalasa sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Andres Semana Jr. – Social Action Director ng arkidiyosesis, higit na kinakailangan ng mga binaha ng sama-samang panalangin upang magkaroon ng pag-asang makabangon.
“Ipagdasal niyo po kami dito lalong na yung mga talagang affected na malagpasan nila, ipagpatuloy nila yung buhay nila makabangon uli sa pamamagitan ng pagdarasal po mabigyan sila ng pag-asa.”panawagan ni Semana sa panayam sa Radio Veritas.
Ibinahagi naman ng Pari ang kagalakan sa mensahe ng pakikiisa at panalangin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga biktima ng kalamidad sa Pilipinas.
Inihayag ni Fr.Semana na napakahalaga ng suporta at panalangin ni Pope Francis para sa mga biktima ng kalamidad na pinanghihinaan na ng loob.
“Nagpapasalamat po kami doon, malaking bagay po iyon na nagbibigay sa atin ng nagpapataas ng ating moral at kailangan po natin yung prayers din po napakaimportante noon kasi may mga kababayan natin na depress dahil nawalan ng sila ng bahay, yung mga iba nawalan ng mga kabuhayan, at yung mga iba rin ay nawalan ng mahal sa buhay at talagang they are very down so kailangan po natin yung prayers po.” Dagdag pa ni Fr. Semana.
Batay sa tala ng Archdiocese ng Tuguegarao hindi bababa sa 36 na parokya ang apektado ng pagbaha hindi lamang sa malapit sa Cagayan River, kundi maging sa mga ilan pang bayan na dinaraanan ng mga ilog.