43,073 total views
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng social at humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Tandag Diocesan Social Action Commission upang matukoy ang pangangailangan ng mga biktima ng 7.4 magnitude earthquake sa Surigao del Sur.
Ayon kay Caritas Philippines Humanitarian Unit head Jeanie Curiano, karamihan sa mga napinsala ay mga establisimyento at walang gaanong pinsala sa mga pamayanan.
Gayunman, sinabi ni Curiano na patuloy ang isinasagawang assessment ng Diyosesis ng Tandag gayundin ang pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang higit na matukoy ang kalagayan ng mga apektadong pamilya.
“Based on the ocular assessment of the DSAC, medyo more on infrastructure—commercial and not too much damaged sa community. Pero community pa rin ang assessment on the ground,” ayon kay Curiano sa panayam ng Radio Veritas.
Sa huling ulat ng Office of Civil Defense, isang buntis ang naitalang nasawi, apat ang sugatan, habang nasa 529 pamilya o 2,647 indibidwal ang apektado ng paglindol.
Naganap ang magnitude 7.4 earthquake alas-10:37 ng gabi noong December 2, na batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ay namataan ang epicenter sa Hinatuan, Surigao del Sur kung saan tectonic ang pinagmulan at mayroong lalim na 26-kilometro.
Paalala naman ng Phivolcs sa mamamayan na patuloy na maging alerto at handa sa epekto ng malalakas na aftershocks.
Una nang naglabas ng Oratio Imperata ang Diyosesis ng Tandag para sa kaligtasan ng lahat mula sa nararanasang sakuna.