5,441 total views
Dismayado ang Alyansa Tigil Mina (ATM) sa mabilisang pagpasa ng Senado sa Mining Fiscal Regime Bill, na nagpapakita ng higit na pagpanig sa malalaking kumpanya ng pagmimina, sa halip na pagtuunan ang kapakanan ng taumbayan.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, ikinalulungkot ng grupo ang agad na pagpapadala ng panukalang batas sa bicameral committee para sa karagdagang deliberasyon, nang hindi man lamang kinokonsulta ang mga environmental at transparency groups.
Iginiit ni Garganera na ang nasabing Senate bill ay hindi ang sinusuportahang bersyon ng mga makakalikasang grupo noong nagsimula ang kasalukuyang kongreso.
“This is a win for the mining industry, but a great loss for Filipinos, Philippine biodiversity and the country’s economy,” ayon kay Garganera.
Inihayag ni Garganera na binabaan ng bagong panukalang batas ang tax rates, kaya’t mas kaunting buwis ang makokolekta ng pamahalaan mula sa mga minahan.
Dagdag pa nito na labis na mataas ang itinakdang formula para sa windfall profit tax na imposible nang makakolekta pa ang pamahalaan ng karagdagang buwis.
Binatikos din ni Garganera ang limang taong palugit bago ipatupad ang export ban sa raw nickel ores dahil sa pangambang humantong ito sa mas mabilis na pagmimina, pagkasira ng kalikasan, at pagpapaalis sa mga apektadong komunidad.
“The 5-year window prior to the ban on the export of raw nickel ores will only make miners fast-track their extraction, which will result in more mining projects, more destruction of our ecosystems and more displacement of affected communities, but with reduced taxes and revenues from mining,” saad ni Garganera.
Una nang binigyang-diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si’ na tungkulin ng pamahalaan na pagtibayin ang pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan at sa mahihirap na mamamayang apektado ng pagkasira ng kapaligiran.