18,552 total views
Higit pang pag-iibayuhin ng Caritas Philippines ang pagsusulong ng Alay Kapwa, kasunod ng pagbawi ni United States President Donald Trump ng federal grants at loans sa mga organisasyong umaasa ng pondo mula sa US.
Sa panayam ng Barangay Simbayanan kay Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, bukod sa mga underdeveloped countries, kabilang din sa apektado ng kautusan ang simbahan.
Inamin ng Obispo na 35 milyong piso ang mawawalang pondo sa Caritas Philippines na ginagamit sa mga programa sa mahihirap at tulong sa mga naapektuhan ng sakuna.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang US- Agency for International Development (USAID) ay ang katuwang ng Catholic Relief Service-ang social arm ng United States Conference of Catholic Bishops (USCCB), at ang CRS naman ay ang katuwang ng Caritas Philippines sa mga ilang mga proyekto ng simbahan sa Pilipinas.
Dahil sa kautusan, aabot sa 35 milyong piso ang mawawalang pondo na inilalaan ng social arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa feeding program, relief assistance at human skills development na bahagi ng ALAY-Kapwa Expanded Program.
Eye-opener
Sa kabila nito, naniniwala si Bishop Bagaforo na ito ay isang eye-opener para sa lahat na hindi dapat laging umasa mula sa tulong ng ibang bansa.
“Isa rin itong eye opener sa ating lahat, more and more I think we should be able to support our own programs. Kaya naman natin, lalo pa naming inii-strengthen, lalo pa kaming nagmamasigasig na i-promote at palawakin ang Alay Kapwa na expanded program. Yun kasi ang at-present na tumutulong sa maraming proyekto ng Caritas Philippines, yung ating Alay Kapwa Expanded Program,” ayon kay Bishop Bagaforo sa panayam ng Barangay Simbayanan ng Radyo Veritas.
Dagdag pa ng obispo, “Masyado na tayong dependent sa mga foreign funding. At the mercy…minsan at the dictate of the foreign funders. Pero ngayon it’s about time. Actually, yan ang one of the flagship program n aini-empahsize ng Caritas International, tawag nami diyan localization project na it’s about time na on our own we should be able to raise our own funds, to help our own people.”
Sa kasalukuyan aniya, ay patuloy ang isinasagawang pagpupulong sa pagitan ng Caritas Philippines sa epekto ng pagbawi sa tulong, kabilang na ang pagbabawas ng ilang empleyado na sumasakop sa mga naapektuhang programa.
Hinimok din ni Bishop Bagaforo ang bawat diyosesis sa buong bansa magtulungan upang paigtingin ang kampanya ng Alay Kapwa-sa pamamagitan na rin ng pagbabahagi ng anuman ang makakayanan.
“It’s a matter of opening our minds na we can help our own people by our own resources,” ayon pa kay Bishop Bagaforo.