5,915 total views
Hinimok ng EcoWaste Coalition ang mga kandidato para sa nalalapit na 2025 Midterm Elections na bawasan ang labis na paglikha ng basura sa pangangampanya at isama ang pangangalaga sa kalikasan sa mga plataporma.
Ito ang panawagan ng grupo sa ginanap na “Kalikasan: Pangalagaan sa Halalan” sa harapan ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Intramuros, Maynila, bago ang pagsisimula ng kampanya para sa mga senador at partylist groups ngayong February 11, at mga local positions sa March 28.
Karaniwan nang nagdudulot ng matinding suliranin sa kapaligiran ang panahon ng eleksyon dahil sa tambak na campaign materials at mataas na konsumo ng enerhiya.
Ayon kay EcoWaste Coalition Zero Waste Campaigner Jove Benosa, hindi dapat gamitin ang pangangampanya bilang dahilan upang sirain ang kalikasan, sa halip, may pananagutan ang mga kandidato na pangalagaan ito.
“The desire of a person or group to get elected should not come at the cost of environmental degradation. We therefore appeal to all candidates and other electoral stakeholders to prevent and reduce garbage, and, particularly, to minimize pollution from plastic campaign materials and their toxic chemical additives,” pahayag ni Benosa.
Sa paglulunsad ng Committee on Environmentally Sustainable Elections noong February 7, ipinaalala ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na ang pagiging kandidato ay hindi lisensya upang sirain ang kalikasan o guluhin ang kapayapaan ng mga mamamayan.
Bilang suporta sa zero waste at toxic-free na lipunan, muling iginiit ng EcoWaste Coalition ang kahalagahan ng paggamit ng campaign materials na maaaring i-recycle at pagsusulong ng eco-friendly waste management upang maiwasan ang pagtatapon o pagsusunog ng campaign materials.
Alinsunod sa mga resolusyon ng COMELEC, pinahihintulutan lamang ang campaign materials na likha sa recyclable materials, habang ipinagbabawal naman ang single-use plastics, paputok, at styrofoam sa campaign events.
“We urge all candidates and their supporters to heed the COMELEC guidelines to make the midterm elections environmentally caring as much as possible,” ayon sa EcoWaste.
Noong 2022 National Elections, umabot sa 20 toneladang plastic campaign materials ang nakolekta araw-araw ng Metro Manila Development Authority.
Dahil dito, patuloy na nananawagan ang Simbahang Katolika na suportahan ang pagbabawal sa single-use plastic at isulong ang responsableng pagtatapon ng basura.