115,956 total views
Greed (pagkagahaman), ito ay isang uri ng sakit na umiiral sa ating mga Pilipino. Ang masaklap nito, ito ay gawi na ito ay karaniwang ginagawa ng mga lider ng ating bayan.
Sa halip na sila ay maging mabuting katiwala sa kaban ng bayan, sila mismo ang simula ng pangungulimbat sa perang ipinagkatiwala ng taumbayan. Kapanalig, sa imbestigasyon ng maanumalyang multi-bilyong pisong flood control projects ng pamahalaan, ating nasaksihan kung gaano kagahaman sa salapi ang ating mga inihalal na Senador, Kongresista, mga kasabwat na opisyal ng DPWH, maging COA at mga kamag-anakan at kakutsabang kontratista.
Sa kanyang weekly general audience noong ika-24 ng Enero, 2024, itinuturing ng namayapang Pope Francis ang GREED na isang kasalanan. “GREED is a sin, a sickness of the heart, nor of the wallet. “Greed is not only a “form of attachment to money that prevents people from generosity,” he said, it can be seen in an exaggerated attachment to even insignificant objects.”
Kapanalig, kahit ang Pilipinas ay maituturing na kabilang sa “third world country”, marami itong perang nasasayang lamang dahil napupunta lamang sa katiwalian o korapsyon. Kung ang ponding ito ay nagagamit lamang sa tama, unti-unti nitong natutugunan ang kakulungan ng mga silid-aralan, kakulangan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa. Natutugunan sana ang kawalan ng access ng mga Pilipino sa health programs ng gobyerno. Marami sanang nalikhang trabaho upang mapigilan ang pag-alis ng milyun-milyong Pilipino upang magtrabaho sa ibayong dagat.
Totoo ang sinasabi ng tinaguriang India’s greatest leader na si Mahatma Gandhi, ayon sa kanya: “The world has enough for everyone’s need, but not enough for everyone’s greed.”
Dahil sa kasakiman sa pera ng mga opisyal ng Pilipinas, base sa Philippine Statistic Authority Labor Survey sa nakalipas na April 2025, pumalo sa 2.6-milyong mga Pilipino ang walang trabaho. Habang sa April 2025 SWS survey, 15.5-milyon na pamilyang Pilipino ang nagugutom.
Ito ang katotohanang nagaganap sa Pilipinas., bilyun-bilyong pesos na pera ng bayan ang pinagpipiyestahan ng mga korap na public officials, milyun-milyong Pilipino naman ang wala halos makain sa araw-araw.
Sa mga gahaman sa salapi, May paalala ang HEBREWS 13:5 sa mga gahaman sa salapi “Keep your lives free from the love of money and be content with what you have, because God has said, “Never will I leave you; never will I forsake you.”
Kapanalig, sa pag-aaral ng Amnesty International, malalabanan ang laganap na corruption at katiwalian ng isang bansa tulad ng Pilipinas sa pamamagitan ng paglikha ng “culture of integrity” upang magkaroon ng “collective action” ang mamamayan laban sa masamang gawain sa pamahalaan at pamayanan. Sinasabi ng Amnesty International na hindi masusugpo ang corruption kung hindi nagsama-sama o nagkakaisa ang mamamayan.
Sa pagsawata ng corruption, kailangan ding maging matibay ang demokratibong sistema ng pamaahalaan sa Pilipinas. Sa laban, kailangan nating mga Pilipino ang kalayaan, freedom of information, dapat ding nakalatag na ang “accountability mechanism”, mahalaga ang pagkakaroon ng pananagutan na walang pinapanigan at walang padri-padrino. Nararapat managot sa batas ang mga nagkasala.
Sumainyo ang Katotohanan.




