1,798 total views
Naniniwala ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) na ang bawat isa ay tinawagan upang maging bayani maging sa simpleng pamamaraan.
Ayon kay CMSP Executive Secretary Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm. ang pagiging bayani ay hindi na lamang nangangahulugan ng pagbubuwis ng sariling buhay para sa bayan sa halip ay maging sa pamamagitan ng mga simpleng pamamaraan.
Ito ang ibinahagi ng Pari, kaugnay sa paggunita ng bansa sa Araw ng mga Bayani ngayong taon na may temang “Karangalan, Katungkulan, Kabayanihan”.
Pagbabahagi ni Fr. Buenafe, ang paggunita sa mga nagawa ng mga bayani para sa bansa ay isang ring panawagan sa lahat na maging bayani hindi lamang para sa bayan kundi maging para sa kapwa at para sa Panginoon.
Bukod sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at mga nagsilbing frontliners noong panahon ng pandemya ay partikular din kinilala ni Fr. Buenafe ang maituturing na kabayanihan ng mga lider ng Simbahan at mga sectoral organizations na puspusang nagsusulong ng kaayusan, kapayapaan at kaunlaran sa bayan.
“Alam mo ang heroism ay para sa lahat, anyone and everyone is invited to be a hero in his or her own capacity. Alam natin na yung mga bayani nagbuwis ng buhay para sa sambayanan at meron tayong modern day heroes, sabi nga itong mga bumubuhay sa atin mga OFWs, mga fronliners (during pandemic), at siguro huwag nating kaligtaan yung mga simpleng tao, ordinaryong mga tao na nasa based, yung mga leaders natin sa Christian community, sa mga sectoral organizations na committed naman sa nation building, community building I think they are also heroes. So ang pagpaparangal natin sa kanila ay pag-alaala sa kanilang mga nagawa at ginagawa pa rin, at tayong lahat ay inaanyayahan na maging bayani on our own way.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Buenafe sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Pari, maging sa pamamagitan ng maliliit na mga bagay tulad ng pagiging matapat, pagkakawang gawa at mapagmahal sa kapwa ay maipapamalas ang pagiging isang bayani ng bawat isa.
Sa bahagi ng pananampalatayang Katoliko, itinuturing na mga bayani ang mga karaniwang taong sinaksihan ang kanilang pananampalataya sa hindi pangkaraniwang paraan tulad na lamang ng mga martir at mga santo.
Sa ilalim ng panlipunang turo ng Simbahan hindi nalalayo ang mga katangian ng isang martir o santo sa isang bayaning nagsulong ng tunay na katarungan para sa kanyang bayan.