2,773 total views
Pinuri ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection na naglaan ng kanilang sarili sa paglilingkod sa bayan.
Batid ng arsobispo na hindi madali ang gawain ng mga bumbero sapagkat kaakibat nito ang panganib sa pagsagip ng buhay at ari-arian.
“I would like to honor your commitment and courage. Being a firefighter is not just a job or a career, it is a calling, a mission that asks you to go beyond your self-interest,” pahayag ni Cardinal Advincula.
Sinabi ng cardinal na kinakalangang malakas ang loob ng mga nagnanais maging bumbero gayundin ang liksi at mapagmatyag sapagkat bawat segundo at desisyon ay mahalaga sa pagsasalba ng buhay.
Tinuran ng arsobispo ang mga halimbawa ni St. Florian ang patron ng BFP na nagbuwis ng buhay para sa pananampalataya at proteksyon sa mga kristiyano.
Ayon kay Cardinal Advincula tulad ni St. Florian kinakailangan ng mga bumbero ang selfless virtues lalo na sa uri ng gawain ng BFP.
Pinasalamatan ng cardinal ang BFP na buong puso at katapatang naglilingkod sa kapakanan ng nakararaming Pilipino.
“I would like to thank you for your great service to our communities, for protecting us and being ready all the time to respond to any emergency especially when there is fire that destroys lives and properties,” ani Cardinal Advincula.
Pinangunahan ng arsobispo ang ikalimang araw ng Misa Nobenaryo sa karangalan ni St. Florian ang patron ng BFP sa BFP National Headquarters sa Quezon City nitong April 26.
Kasama ng cardinal sina BFP Chief Chaplain Fr. (FSSupt) Randy Baluso, T’Ocarm, Post Chaplain Fr. (SInp) Raymond Tapia, Fr. Mico Dellera at Rev. Jesus Madrid Jr.
Dumalo rin sa pagtitipon ang mga opisyal at kawani ng BFP gayundin ang mga karatig tanggapan tulad ng Ombudsman.