1,506 total views
Ang dignidad ng bawat tao ay dapat na bigyang halaga hanggang sa kamatayan.
Ito ang binigyang diin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care sa pagkakatuklas sa mga labi ng mahigit sa 170 mga Persons Deprived of Liberty o bilanggo ng New Bilibid Prison sa punerarya sa Muntinlupa City.
Ayon kay Rev. Fr. Nezelle Lirio – executive secretary ng kumisyon, ang dignidad ng tao na kaakibat ng ipinagkaloob na buhay ng Panginoon ay dapat pahalagahan at protektahan maging ng mga bilanggo.
Ipinaliwanag ng Pari na hindi nagtatapos sa kamatayan ang pagbibigay kahalagahan sa dignidad ng isang indibidwal kung saan dapat na bigyan ng maayos na pagtrato maging ang labi ng isang pumanaw na.
“Isa pong dahilan kung bakit namin ginagawa yung pagpapahalaga at paglilingkod sa mga PDLs (Persons Deprived of Liberty) ay pinapakita po natin na mahalaga yung buhay. Nung likhain kasi tayo ng Diyos pinakita po dito, binigay po sa atin yung dignity, yung likas na karangalan ng tao ibig sabihin mahalaga po yung buhay ng tao kahit ano yung nagawa niya, may mali, may pagkakasala mahalaga pa rin.” pahayag ni Fr. Lirio sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Fr. Lirio ay ang pagdalaw sa mga libingan at tuwinang pag-aalala sa kaarawan at kamatayan ng mga pumanaw.
“Kristiyano ka man o hindi Kristiyano iba’t-iba po tayo ng pagrespeto o pagpapahalaga dun sa yumao natin, kaya nga po nandun yung ating pagdalaw sa kanila sa libingan, pinapahalagahan natin yun kanilang kaarawan, yung kanilang kamatayan, taon-taon mayroon tayong All Saints Day, All Souls Day ibig.” Dagdag pa ni F. Lirio.
Umaapela ang Pari na nawa ay pahalagahan ng bawat isa ang buhay ng kapwa maging ng mga nasa bilangguan at bigyan ng naaangkop na respeto at paggalang hanggang sa kanilang pagpanaw.
Natuklasan ang mga labi ng nasa 170-bilanggo ng New Bilibid Prison sa Eastern Funeral Services sa Muntinlupa City kung saan magsasagawa ng autopsy si Dr. Raquel Fortun sa mga pumanaw na NBP inmates.
Ito ay may kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa, na mas kilala bilang Percy Lapid.