14,466 total views
Pinaalalahanan ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mananampalataya na pahalagahan at pangalagaan ang kalikasan, bilang pagpapakita ng pagmamahal sa biyayang ipinagkaloob ng Diyos.
Ayon kay Bishop Santos, ipinapakita ng kalikasan ang pagkakaugnay ng lahat ng bagay sa mundo partikular na sa aspeto ng buhay, bahay, at hanapbuhay na kadalasang hindi napapansin o binibigyang-halaga.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa isinagawang consecration o pagtatalaga ng Laguna de Bay nitong August 5, 2024 upang hilingin ang pangangalaga at paggabay ng Diyos sa sinumang daraan sa lawa.
“Ang ating ginawa ay ang pananalangin, pagbe-bendisyon, at pagtatalaga ng Laguna de Bay sa pangangalaga at pag-iingat ng Diyos. Ito’y paraan natin upang sariwain ang pangako, na sa ating makakaya, tayo ay magiging tapat na tagapangalaga, tagapag-ingat ng kalikasan na pinaubaya sa atin ng Diyos, iniatang sa ating balikat,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang-diin ni Bishop Santos ang kahalagahan ng buhay bilang biyaya mula sa Diyos na dapat igalang at pangalagaan sapagkat ang bawat isa ay may pananagutan sa kapwa at kalikasan.
Tinukoy rin ng obispo ang kalikasan bilang bahay o tahanan kung saan nadarama ang kaligtasan at kaginhawaan, kaya marapat lamang na ito’y hindi pagsamantalahan o abusuhin dahil higit na mas malaki ang pinsalang maidudulot nito sa buhay.
Paliwanag pa ni Bishop Santos na ang kalikasan din ay nagtataglay ng iba’t ibang yaman na makatutulong sa tao sa pagkakaroon ng hanapbuhay upang patuloy na makausad sa buhay.
“Ang ating pamumuhay ay nakasalalay sa kalikasan. Kung ito’y masisira at mawawala, tayo rin ang mapapahamak. Kaya bigyan natin ng pagpapahalaga at palagi nating hilingin ang tulong, panalangin, at bendisyon ng Diyos, upang ipakita na kung saan ang binigay ng Diyos ay ating minamahal,” ayon kay Bishop Santos.
Kasabay rin ng pagtatalaga sa Laguna de Bay ay nag-alay rin ng panalangin si Bishop Santos sa lugar kung saan lumubog ang Motor Banca Aya Express na nagresulta sa pagkasawi ng 27-katao.
Saksi sa gawain ang mga pari at mananampalataya ng diyosesis lulan ng mga bangka, kasama ang mga imahen ng koronadang Nuestra Señora del Santissimo Rosario ng Cardona, Rizal; Sta. Ursula ng Libis, Binangonan, Rizal; at San Francisco ng Assisi, at Mahal na Birhen ng Lourdes ng Talim Island.
Magugunita sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) na overloading ang dahilan ng paglubog ng MB Aya Express noong Hulyo 27, 2023 habang naglalayag patungong Talim Island.