15,314 total views
Hinirang ng Federation of Asian Bishops’ Conference (FABC) si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo bilang Bishop Member ng FABC Office of Human Development (OHD)/Climate Change Desk.
Inaprubahan ng FABC Central Committee ang pagkakahirang kay Bishop Bagaforo noong March 12, 2025, at epektibo simula January 1, 2025 hanggang December 31, 2027, kung saan maaaring palawigin para sa ikalawang termino.
Layunin ng FABC-OHD na ipagpatuloy ang proseso ng pakikipagdiyalogo sa isa’t isa at sa mga dukha na labis na apektado ng mga nangyayaring pagbabago sa lipunan at kalikasan.
Pinagtibay at nilagdaan ang liham nina FABC President, Goa at Daman Archbishop Felipe Neri Cardinal Ferrao, at Assistant Secretary General Fr. William LaRousse, MM.
“The FABC Central Committee on 12 March 2025, approved your appointment as a Bishop Member of the FABC Office of Human Development/Climate Change Desk (OHD)… Please accept this Official Letter of Appointment as a Bishop Member of the FABC Office of Human Development (OHD),” bahagi ng liham ng FABC kay Bishop Bagaforo.
Si Bishop Bagaforo ay kasalukuyang chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, at pangulo ng social at development arm nito na Caritas Philippines.
Samantala, nagpaabot naman ng pagbati at suporta ang Caritas Philippines sa bagong tungkulin ni Bishop Bagaforo sa rehiyong Asya.
Ayon sa institusyon, ang pagkakahirang sa obispo ay patunay ng kanyang tapat na paglilingkod sa pagsusulong ng katarungang panlipunan, pangangalaga sa kalikasan, at pag-unlad ng mga pamayanan sa buong kontinente.
“Bishop Bagaforo’s appointment is a testament to his unwavering commitment to social justice, environmental stewardship, and the integral human development of communities across Asia… We at Alay Kapwa celebrate this milestone and remain committed to supporting Bishop Bagaforo in his mission to promote faith-driven action for social transformation in Asia,” ayon sa Caritas Philippines.
Maliban kay Bishop Bagaforo, hinirang din ng FABC si San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr., kasalukuyang chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Social Communications, bilang chairman ng FABC–Office of Social Communication, kahalili ni Penang, Malaysia Bishop Cardinal Sebastian Francis.