7,811 total views
Muling pinag-iingat ng Archdiocese of Manila ang publiko laban sa bagong pekeng Facebook account gamit ang pangalan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Batay sa monitoring nagpapadala ng friend request ang FB account na Jose Advincula at nag-iwan ng mga komento sa mga social media postings ng iba’t ibang social media pages lalo na ang mga may kaugnayan sa simbahang katolika.
Nilinaw ni Manila Communications Director at Radio Veritas Vice President Fr. Roy Bellen na walang kaugnayan kay Cardinal Advincula ang nasabing FB account.
“I would like to inform the public that the FB account with the name Jose Advincula is not an official acccount nor in anyway connected to the Archbishop of Manila. Please help us report this account that misrepresent the Cardinal,” bahagi ng pahayag ni Fr. Bellen.
Ang naturang FB account ay ginawa lamang nitong March 17 kung saan ginamit din ang mga larawan ng cardinal.
Ayon sa pari mahalagang maging maingat ang mamamayan sa pakikipag-ugnayan online lalo’t marami ang mapanamantalang indibidwal na ginagamit ang pangalan at pagkakilanlan ng mga matataas ng opisyal ng simbahan para iba’t ibang fraudulent activities.
Matatandaang kamakailan ay nagbabala rin si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa publiko makaraang gamitin ang kanyang pangalan online sa paghingi ng mga donasyon.
Sa pinakabagong datos ng Digital Report ng Data Reportal sa Pilipinas sa pagsimula ng 2025 may 97.5 million Filipino internet users o 83.8 porsyento sa kabuuang populasyon ng bansa.
Sa naturang bilang 90.8 million dito ay aktibo sa social media kung saan nangunguna ang Facebook sa pinakaginagamit na social media platform na sinundan ng Tiktok na may 62.3 million users; FB Messaging App na Messenger na may 61.8 million user; YouTube na may 57.7 million users; Instagram na may 22.9 million users habang ang X o dating Twitter na may 9.29 million Filipino users.
Sa ensiklikal ni St. Paul VI na Inter Mirifica noong 1963 kinikilala ng simbahan ang mga bagong uri ng media at pag-usbong ng teknolohiya kung ito ay nagagamit sa wastong pamamaraan lalo na ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa buong mundo.
Fake Account Link: Fake Cardinal Account