10,819 total views
Tiwala si out-going Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. sa plano ng Panginoon at pagtanggap sa bagong tungkulin na ini-atang sa kanya ng Santo Papa Francisco bilang bagong obispo ng Diyosesis ng San Pablo,Laguna.
Ibinahagi ni Bishop Maralit na bagamat may takot, pangamba, at bahagyang lungkot sapagkat kontento, payapa at masaya siya sa paglilingkod sa Diyosesis ng Boac ay buong puso niyang tinatanggap ang panibagong misyong pagpapastol sa mahigit tatlong milyong kawan ng Diyosesis ng San Pablo.
Inihayag ni Bishop Maralit na mahalagang maging bukas at buo ang tiwala ng bawat isa sa kaloob at plano ng Diyos upang ganap na dumaloy ang biyaya ng Panginoon.
“Kung ako ang tatanungin I’m at peace here sa aking diyosesis na pinaglilingkuran ngayon. Ako po ay masaya dito, I feel love, I love the people here, people are generous so ako ay may takot sa pupuntahan ko dahil hindi ko pa alam. I have fear, I have sadness in my heart pero if I want grace, dapat maging bukas muna at ang Diyos ang sentro and I believe thats the path na kapag ako ay sumunod ay mas marami pang biyaya ang papasok sa diyosesis na pinaglilingkuran ko ngayon sa Boac, baka mamaya ako pa nga ang hadlang.” Bahagi ng pagninilay ni Bishop Maralit.
Sinabi ng Obispo na nararapat maging handa ang bawat isa na tumugon sa tawag ng Diyos sa kabila ng anumang takot, pangamba o kawalang katiyakan.
Ayon kay Bishop Maralit, hindi dapat pagdudahan ng sinuman ang plano ng Panginoon sa halip ay magtiwala sa kaloob na biyaya ng Maykapal.
“In the same time kung ako ay hihindi baka ako naman ang nagiging hadlang ng biyayang para sa akin na ibinibigay ng Diyos. Hindi ko pa alam San Pablo kung magiging biyaya ako sa inyo but still I trust in God and I’m willing to open because my center is God and if my God is my center then I am willing to trust in Him fully.” Dagdag pa ni Bishop Maralit.
Inanunsyo ng Vatican ang pagtatalaga kay Bishop Maralit bilang bago at ikalimang Obispo ng Diyosesis ng San Pablo noong ika-21 ng Setyembre, 2024 ganap na alas-dose ng tanghali oras sa Roma, isang taon makalipas na tanggapin ng Santo Papa ang pagbibitiw sa katungkulan ni Bishop-emeritus Buenaventura Famadico dahil sa kondisyong pangkalusugan.
Ang Diyosesis ng San Pablo ay ‘sede vacante’ sa loob ng isang taon na pansantalang pinangasiwaan bilang apostolic administrator ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara.
Bukod sa pagsisilbi bilang Obispo ng Diyosesis ng Boac sa Marinduque ay kasalukuyan ding nagsisilbi si Bishop Maralit bilang chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Communications.
Sa kasalukuyan, walong Diocese sa bansa ang “sede vacante”.