420 total views
Hinimok ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang bawat isa na ipanalangin ang mabilis na pagbangon ng Santo Niño de Pandacan Parish na nasunog pasado ala-una ng hapon ng Biyernes, ika-10 ng Hulyo.
Bagamat nasunog ang ilang bahagi ng Simbahan, ipinagpapasalamat naman ng Obispo na walang sinuman ang nasaktan at walang mga bahay ng mga residente ang nadamay sa naganap na sunog.
Ibinahagi rin ni Bishop Pabillo ang kanyang personal na pagbisita sa parokya upang makita ang pagkasirang naidulot ng sunog sa Simbahan.
“Ipagdasal natin na sana itong parokya ay makabangon kaagad, mabuti na wala namang nasaktan, wala namang ibang bahay na tinamaan pero yun nga malaki siguro ang damage ng Simbahan kaya titingnan ko ngayon kung papaano ngayon yun”.pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection ng National Capital Region (BFP-NCR) umabot sa ikatlong alarma ang antas ng sunog sa Simbahan na naapula pasado alas-dos ng hapon.
Inaasahan naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang alamin kung saan nagsimula ang pagkalat apoy at kung gaano kalawak ang pinsalang idinulot nito.
Ang imahen ng Sto. Niño de Pandacan ay pinaniniwalaang higit 400-taon na at mapaghimala ng mga deboto.