9,299 total views
Umaapela ng panalangin si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo para sa mga biktima ng 7.7 na magnitude na lindol sa Myanmar at Thailand.
Nabatid na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga namatay, nasugatan at patuloy na hinahanap sa mga gumuhong gusali sa nabanggit na bansa.
Ayon sa Obispo, sa panahon ng sakuna ay mahalagang maipadama sa kapwa ang pakikiisa upang magkaroon ng katatagan ng loob na bumangon sa kinalugmukang sitwasyon.
“Kaya isama po natin sila sa ating panalangin, wag po tayong magwalang kibo sa mga pangyayaring ito, kapwa din po natin tao ang mga nasalanta at mga naghihirap at yan po ay babala din ng Diyos sa atin na baka po mangyari din sa atin ang nangyari po sa kanila kaya sana yung preparedness, yung readiness natin ay nandiyan at palagi tayong magdasal na magkaroon tayo ng katatagan na kapag dumating na itong kalamidad tayo po ay maligtas,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Nanawagan din ang Obispo na ipanalangin ang ikakabuti ng mga Overseas Filipino Worker at Filipino Migrants Myanmar at Thailand kasunod ng kumpirmasyon ng Department Foreign Affairs na mayroong apat na Pilipino ang nawawala sa Myanmar.
Ayon sa DFA, patuloy na pinaghahanap ang apat na OFW na pawang mga guro na nakatira sa ‘Sky Villa condominium’ na gumuho sa Mandalay Myanmar na pinakamalapit na lungsod sa epicenter ng lindol.
“Marami po ang namatay, marami pong nawalan ng bahay at mawawalan ng trabaho, ipagdasal po natin sila, hindi po sana sila mawalan ng pag-asa at ganun din ipagdasal din natin ang ating kapwa Pilipino na mga OFW na nandoon po sa kanila, sila ay naapektuhan din,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Ipinaalala naman ng Obispo ang patuloy na paghahanda ng mga Pilipino sa inaasahang ‘The Big One’ na magdudulot ng napakalakas na lindol sa 100-kilometrong kahabaan na tinatahak ang Quezon City, Pasig, Marikina, Makati, Taguig, at Muntinlupa.
“Ito po ay paalala sa atin na tayo din ay binabantaan ng malakas na lindol yung ‘The Big One’,kaya maging handa din tayo palagi lalung-lalu na kapag yan ay dumating sa atin sa mga heavily populated na lugar ay marami pong magkakaroon ng casualty at habang naghahanda tayo at maging maingat tayo,” bahagi pa ng panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Ayon sa mga pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), kung mangyayari ngayon ang ‘The Big One’ ay magdudulot ng pagguho ng 12% ng mga gusali sa Metro Manila at mga karatig lalawigan kasunod ng pagkamatay ng mahigit 50-libong katao.