10,094 total views
Inilunsad ng Clergy for Good Governance ang pakikipagtulungan sa 20 samahan ng magkakaibang sektor ng lipunan upang isulong ang wastong paggastos sa kaban ng bayan.
Binuo ang kasunduan na isulong ang transparency sa national budget sa isinagawang pagtitipon sa Shrine of Mary Queen of Peace o EDSA Shrine.
Ayon kay Father Antonio Labiao, layunin ng CGG na maiparating sa nakakarami kung paano ginagastos ng mga opisyal ng pamahalaan ang kaban ng bayan upang makapili ng karapat-dapat na ihalal na lider ng bansa sa 2025 midterm elections.
“Mayroon kaming pinaplano na iro-roll out ito starting January, yung sectoral conversations, sect by sect usap-usap by sect, youth, women and the rest tapos ilalabas namin yung mga sectoral needs nila tapos ang gagawin sabihin namin na ito yung mga ibat-ibang mga pangangailangan niyo sa sector niyo, sinong mga kandidato lokal man o national na nag-eespouse nitong mga needs ninyo so sila ang pipili, magdedecide, rather than vote wisely, eh wala naman sa balota kasi si ‘wisely’,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Labiao.
Kinundena din ng CGG ang malaking pagbawas sa pondo ng Department of Education na umaabot ng 16-bilyong piso, 30-bilyong piso sa Commission on Higher Education, 96-bilyong piso naman sa Department of Social Welfare and Development at hanggang 15-bilyong piso naman sa modernization programs ng Armed Forces of the Philippines.
Tiniyak ni Running Priest Father Robert Reyes na kasapi ng Clergy for Good Governance na ang kanilang adbokasiya ay walang pinapanigan sa pulitika sa halip ito ay upang mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipinong apektado ng korapsyon at katiwalian sa pamahalaan.
Bago ang paglulunsad ng inisyatibo, ay idinaos muna ang Interfaith Prayer for good governance na pinangunahan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa, Father Joel Saballa at Father Antonio Labiao ng simbahang Katolika kasama sila Bp. Noel Pantoja – Philippine Council of Evangelical Churches, Bishop Efraim Tendero – World Evangelical Alliance, Fr.Diony Cabillas – Iglesia Filipina Independiente at Conference of Major Superiors in the Philippines at ni Marita Wasan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.