19,154 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang mga Pilipino na buksan ang puso at palalimin ang pagmamahal sa mga refugees o mga taong kinakailangan lumikas sa kanilang sariling tahanan dahil sa pag-iral ng sigalot, digmaan o sakuna.
Ito ang mensahe ni CBCP-ECMI Vice-Chairman Antipolo Bishop Ruperto Santos sa nalalapit na paggunita sa June 20 ng World Refugee Day.
Ayon sa Obispo, kawangis ng mga naunang adbokasiya ni Pope Francis ay maisasabuhay ang pagkalinga sa mga refugee sa simpleng pamamaraan ng pagdarasal sa kanilang kabutihan, pag-aaral sa kanilang kinalugmukhang sitwasyon, pagsuporta sa mga organisasyon nagsasagawa ng pagtulong sa refugees, pina-igting na pakikipag kapwa tao at pagpapalakas ng mga hakbang na magsasabatas ng mga polisiyang papabutihin ang kalagayan ng mga refugees.
“I write to you with both a heavy heart for those displaced from their homes and hope inspired by our shared calling to welcome the stranger, This observance takes on special passion as we remember Pope Francis, whose unwavering advocacy for refugees and migrants marked his entire papacy,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Nawa ayon kay Bishop Santos ay patuloy na maisabuhay ang mga katuruan ni Pope Francis tungo sa patuloy na pangangalaga sa mga refugee dahil sila ay malapit sa puso ng yumaong Santo Papa.
Mensahe din ng Obispo sa mga Pilipino na huwag kalimutan ang malalim na kasaysayan ng Pilipinas sa pagtulong sa mga refugee.
Ito ay dahil sa pagkalinga ng Pilipinas sa mga Russian na biktima ng Russian Civil War noong 1920s, pagkalinga sa mga Hudyong sinisiil noon World War II at mga Vietnamese na apektado ng Vietnam War noon 1970s hanggang 80s.
“Let us remember that our Lord Jesus Himself was a refugee child in Egypt. May His experience move our hearts to greater compassion and our hands to more generous action, On this World Refugee Day, let us also commit to being, in Pope Francis’s words, a Church that goes forth to the peripheries, bringing Christ’s love to those most in need of welcome and hope,” ayon pa sa mensaheng ipinadala ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Ngayong 2025, itinalaga ng Holy See ang pagdiriwang ng World Refugee Day sa temang “Migrants are Missionaries of Hope,” na kahanay sa pagdiriwang ng simbahan sa 2025 bilang Jubilee Year sa temang “Pilgrims of Hope”
Habang sa bahagi ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNCHR), itinalaga naman ito sa temang “Community as a Superpower,” upang higit na maisulong ang kinakailangang pagkakapatiran para sa ikabubuti ng kalagayan ng mga Refugees.