2,157 total views
Inihayag ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy na may mabubuting plano ang Panginoon sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng sanlibutan.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagsapubliko ng tanda bilang National Cultural Treasure ng Assumption of Our Lady Shrine Parish sa Dauis Bohol nitong August 14 sa bisperas ng kapistahan ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria.
Matatandaang isa ang Dauis Church sa 25 heritage churches sa Bohol na lubhang napinsala ng 7.2 magnitude na lindol noong October 2013.
“On hindsight, this is what a damaging 7.2 magnitude earthquake of 15 October 2013 gifted us with: the restoration of our heritage churches so dear to every Boholano, for they are jewels on our crown. God brings the greatest good out of every deprivation or evil. Indeed, His perfect will always achieves his perfect plan. After all, our work of heritage restoration is still God’s work,” bahagi ng pahayag ni Bishop Uy.
Noong 2018 nang i-turnover ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa diyosesis at parokya ang simbahan matapos ang restoration.
Noong 2011 una nang idineklarang National Cultural Treasure ang simbahan at buong complex dahil sa mayamang ambag sa kasaysayan kung saan tampok nito ang pagiging neo-gothic at neo-classical architecture gayundin ang orasan at kampanaryong gawa sa corals.
Itinatag ng mga misyonerong Heswita ang Dauis Church noong 1697 habang ang kasalukuyang simbahan ay itinayo noong 1863 at natapos taong 1923.
Pinasalamatan ni Bishop Uy ang mananampalataya at mga indibidwal na naging daan upang maibalik sa dating anyo ang simbahan makaraang mapinsala ng lindol at ang patuloy na pagpapahalaga ng pamahalaan sa dambanang naghuhubog sa moralidad at espiritwalidad ng mamamayan.
Bukod sa mga opisyal ng lalawigan ng Bohol at ng National Museum of the Philippines dumalo rin sa pagtitipon si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown kung saan pinangunahan nito canonical coronation sa imahe ng Our Lady of the Assumption na kauna-unahan sa Bohol.
Sa datos ng National Commission for Culture and the Arts may 130 simbahan sa bansa ang kinilalang National Cultural Treasures, Important Cultural Properties, at National Historical Landmarks kung saan mahigit 20 rito ay matatagpuan sa Bohol.