346 total views
Palalakasin ng Caritas Manila ang pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na sa panahon ng kagipitan tulad ng krisis na naranasan dulot ng pandemya.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng social arm ng Archdiocese of Manila, mahalagang mangibabaw ang pagkakawanggawa lalu na ngayong may krisis na dulot pandemic novel coronavirus.
“Sa harap ng pandemyang ito huwag takot ang manaig kung hindi ang kapangyarihan ng pagkawanggawa; pag-ibig at pagmamalasakit sa kapwa ang papawi sa takot at pangamba na dulot ng krisis na ito,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Ito ang mensahe ng pari sa ika-67 anibersaryo ng Caritas Manila na ipagdiriwang ngayong ika – 26 ng Setyembre na gugunitain sa pamamagitan ng virtual celebration dahil na sa rin sa mga limitasyong dulot ng community quarantine.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang ‘Thriving In Crisis Through Faith And Charity’ bilang pagkilala na rin sa ginagampanan ng institusyon na nagpapatuloy sa gawain sa kabila ng panganib na dala ng virus.
Kinilala at pinasasalamatan din ni Fr. Pascual ang nga donors at benefactors na patuloy ang pagsuporta sa mga programa ng social arm ng arkidiyosesis sa nakalipas na mahigit anim na dekadang paglilingkod sa pamayanan.
Aniya, may mga grupo, pampubliko at pribadong institusyon maging ang mga indibidwal na nakikiisa sa mga programang kawanggawa ng Caritas Manila upang matulungan ang mga mahihirap na komunidad.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga donors at benefactors throughout the years walang sawang nagtitiwala at sumusuporta sa Caritas Manila para matulungan ang poorest of the poor,” dagdag pa ni Fr. Pascual.
Tiniyak ni Fr. Pascual sa mga nagbibigay ng kanilang donasyon na ito ay nakarating sa mga benepisyaryo lalu na ang mga mahihirap na sektor ng lipunan lalo na sa kalakhang Maynila.
Nang magpatupad ng mahigpit na community quarantine ang National Capital Region ay agad na kumilos ang Caritas Manila sa tulong ng grupo ng mga negosyante na nagkaloob ng mahigit isang bilyong gift certificate na ipinagkaloob naman sa higit isang milyong indibidwal.
Isang misa na pangungunahan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang gaganapin alas-8 ng umaga.
Sa nakalipas na 67 taon pinalalawig pa ng social arm ang mga programan tulad ng Caritas Margins, Restorative Justice ministry, Segunda Mana, Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP na nagpapaaral sa 5, 000 scholar sa buong Pilipinas kung saan ngayong taon ay tutulungan na rin ang anak ng mga jeepney driver na makapag-aral ng kolehiyo at technical vocational.
Pinasalamatan din ng pamunuan ng Caritas Manila ang libu-libong volunteers na patuloy naglilingkod sa kapwa sa kabila ng panganib na idudulot ng corona virus sa sariling kalusugan.
“Nagpapasalamat din tayo sa mga pari at mga lay volunteers na hindi ininda ang takot at pangamba na lumabas upang matulungan ang poor communities; walang sawang bumababa para maramdaman ng mga mahihirap na hindi sila nag-iisa sa krisis na ito,” ayon kay Fr. Pascual.