1,998 total views
Magpapadala ng tulong at suporta ang NASSA/Caritas Philippines para sa mga residenteng apektado ng oil spill sa Mindoro.
Ayon kay Calapan, Oriental Mindoro Diocesan Social Action director Fr. Edwin Gariguez, nangako ang humanitarian at social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na tutulungan ang nasa 250 pamilyang apektado ng pagtagas ng langis.
“NASSA Caritas Philippines has committed to support 250 affected families with food packs that will be made available to the unreached and most needy affected coastal communities,” ayon kay Fr. Gariguez.
Sinabi ni Fr. Gariguez na magkakaroon ng pagpupulong ang DSAC at ang mga apektadong parokya sa St. Augustine Parish sa bayan ng Pinamalayan sa Marso 14, 2023 para sa pagkukumpleto ng mga makakatanggap ng tulong.
Magbibigay rin ng food items at emergency assistance ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) at ang Center for Energy, Ecology and Development (CEED).
“This stand by relief goods will be temporarily stored in the available space in St. Francis of Assisi Quasi Parish for distribution once the beneficiaries list has been finalised and operation plan has been set up hopefully by next week,” saad ng pari.
Nakikipag-ugnayan din ang simbahan sa mga lokal na pamahalaan at Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro para sa patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga higit na apektadong pamayanan.
Pebrero 28, 2023 nang tumaob ang MT Princess Empress na naging dahilan ng patagas ng langis sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Sa kasalukuyan, isinailim na sa state of calamity ang walong bayan (Naujan, Pinamalayan, Gloria, Bansud, Bongabong, Roxas, Mansalay, at Bulalacao) dahil sa pinsala ng oil spill, at upang matulungan ang mga kinauukulan na makapagbahagi ng tulong sa mga pamayanang apektado ng sakuna.
Idineklara din ang state of calamity sa bayan ng Caluya, Antique dahil sa oil spill.