7,490 total views
Nakikiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Healthcare (CBCP-ECHC) sa panalangin para sa agarang paggaling ni Pope Francis.
Ayon kay CBCP-ECHC executive secretary at Camillian priest na si Fr. Dan Cancino, tulad ng karaniwang tao, ang Santo Papa ay nagkakasakit din ngunit patuloy siyang nagiging inspirasyon, lalo na sa mga may pinagdaraanang karamdaman.
“Mga kapanalig, ang ating Santo Papa ay nasa ospital ngayon. Tulad natin, tulad ng karamihan, nagkakasakit din at siya po ay may karamdaman ngayon. Tayo ngayon ay magtipon sa panalangin para sa agad nyang panunumbalik sa kanyang paglilingkod sa simbahan. Nag-iisang inspirasyon para sa marami, ‘di lang para sa atin. Nag-iisang inspirasyon para sa mga karamdaman din,” ayon kay Fr. Cancino sa panayam ng Radyo Veritas.
Hinikayat ni Fr. Cancino ang mga mananampalataya na ipanalangin ang mabilis na paggaling ng Santo Papa mula sa kanyang iniindang sakit upang siya’y muling makabalik nang masigla sa kanyang tungkulin bilang punong pastol ng Simbahan.
Binanggit din ng pari ang mensahe ni Pope Francis sa naging tema ng World Day of the Sick ngayong taon na “Hope does not disappoint”, at hiniling na ito’y maging sandigan ng Santo Papa at ng mga mananampalataya, na ang pag-asa sa Diyos ay nagbibigay-lakas sa gitna ng anumang pagsubok.
“Ating pagtipunin ang ating mga panalangin para sa kanya at pakatandaan natin ang isang naging inspiration natin sa buhay-pananampalataya natin. Para sa ating si Pope Francis, Papa Francesco, Lolo Kiko, we love you and we are keeping you in our prayers,” saad ni Fr. Cancino.
Kasalukuyang nagpapagamot ang 88-taong gulang na Santo Papa sa Gemelli Hospital sa Roma mula noong Biyernes dahil sa bronchitis.
Sa huling ulat ng Holy See Press Office, natuklasan sa isinagawang CT Scan na may nagsisimulang bilateral pneumonia ang Santo Papa, kaya kinakailangan ang karagdagang gamutan.
Matatandaan noong siya’y 21 taong gulang, tinanggalan si Pope Francis ng bahagi ng kanang baga matapos magkaroon ng pleurisy, na halos kanyang ikamatay.
Una nang nanawagan ng panalangin para sa agarang paggaling ng Santo Papa sina CBCP-Episcopal Commission on Youth chairman, Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon, at Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles Brown para sa agarang pagbuti ng kalusugan ni Pope Francis.