16,181 total views
Umapela ng panalangin si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown para sa dagliang paggaling ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Sinabi ng nuncio na sa kasalukuyang kalagayan ng santo papa mahalaga ang pagbubuklod ng kristiyanong pamayanan para hilingin ang kagalingan gayundin sa mga taong nangangalaga sa kalusugan ni Pope Francis.
“I appeal to everyone to please pray for the Holy Father, pray for his speedy recovery, and let us also pray for all the doctors and nurses who are taking care of him,” pahayag ni Archbishop Brown sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ng kinatawan ng Vatican na hindi ito ang unang pagkakataong naisugod sa ospital ng santo papa lalo’t sa kanyang edad na 88 taong gulang marami itong iniindang karamdaman.
Sa pinakahuling update ng Holy See Press Office nanatili si Pope Francis sa Gemelli Hospital sa Roma kung saan nagpapatuloy ang kanyang gamutan dahil sa bronchiectasis at asthmatic bronchitis na nagdulot ng polymicrobial infection.
Bukod pa rito sumailalim din sa Chest CT scan ang santo papa kung saan natuklasan ang bilateral pneumonia.
Gayunpaman tiniyak ng Vatican na nasa ‘stable condition’ si Pope Francis sa kabila ng mga natuklasang karamdaman at nagpaabot ng pasasalamat sa lahat ng mga nagdasal at nagpaabot ng mensahe para sa kanyang paggaling.