21,652 total views
Binigyang-diin ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang malaking responsibilidad na kaakibat ng kalayaan at demokrasya na natamo ng bansa matapos ang EDSA People Power Revolution noong 1986.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Youth chairman at Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon, ang kalayaang tinatamasa ng Pilipinas ngayon ay hindi lamang isang biyaya kundi isang hamon para sa bawat Pilipino na ipagpatuloy ang laban para sa demokrasya na ipinaglaban mahigit apat na dekada na ang nakalipas.
Pagbabahagi ng Obispo, ang paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ay isang paalala para sa lahat na patuloy na protektahan at pahalagahan ang kalayaang tinatamasa ng bansa sa pamamagitan ng pagtataguyod ng kabutihan, pagkakapantay-pantay, at katarungang panlipunan.
“Huwag nating kalilimutan na our freedom is also a gift and a responsibility. Kailangang pangalagaan natin ito and we continue to do the good and seek for justice, for fairness. Kasabay nito, kailangan din nating magkaroon ng personal na pagbabago at isulong ang pagbabago sa ating komunidad para sa patuloy na pag-unlad. Ito rin ay tugma sa panawagan ni Pope Francis sa synodality. So, let us continue to cherish the freedom that we have, at the same time, protect it and uphold it—and then let us do our part,” ani Archbishop Alarcon sa panayam ng Radyo Veritas.
Paliwanag niya, mahalaga ang patuloy na pagpapamalas ng malasakit at pagmamahal sa bayan. Umaasa rin ang Arsobispo na hindi mananaig ang kawalan ng pakialam ng mga mamamayan sa mga nangyayari sa lipunan.
Giit niya, maraming paraan upang maipakita ang pagmamahal sa bayan—kabilang na ang aktibong pakikilahok sa mga usaping pangkomunidad at iba pang gawain para sa ikabubuti ng bansa, tulad ng pagboto sa mga karapat-dapat na opisyal ng pamahalaan.
“From the dictatorship and yung situation na hindi maganda, we as a people nagpakita ng ating concern para sa bayan. Sa parehong paraan, sana ay huwag tayong maging indifferent. Huwag tayong mawalan ng pakialam, we just close our eyes and keep silent. Dapat nating ipagpatuloy ang pagtataguyod ng truth, goodness, and beauty—the true, the good, and the beautiful. Ang patriotism o pagmamahal sa bayan ay hindi dapat mawala sa atin. Maaari natin itong ipakita sa iba’t ibang paraan, tulad ng pakikilahok sa mga gawain sa barangay, lungsod, o munisipalidad,” dagdag pa ni Archbishop Alarcon.
Matatandaang noong Setyembre 23, 1972, nalaman ng mamamayang Pilipino ang pagsisimula ng Martial Law sa ilalim ng rehimeng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., bagamat Setyembre 21, 1972 ang opisyal na petsang nakasaad sa Proclamation 1081.
Batay sa mga ulat, tinatayang 3,000 katao ang pinaslang dahil sa pagtutol sa diktadura, habang mahigit 75,000 Pilipino ang lumapit sa Human Rights Claims Board bilang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Natapos ang Martial Law at ang rehimen ni Marcos Sr. sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution noong 1986, na naging inspirasyon ng ibang bansa sa kanilang sariling pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya.