14,427 total views
Hinimok ni Monsignor Gerry Santos, acting President ng Aid to the Church in Need (ACN)-Philippines at dating pangulo ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), ang mga paaralan at institusyong pang-akademiko na gawing mas malalim at makabuluhan ang paggunita sa EDSA People Power Revolution.
Ginawa ni Mgr. Santos ang pahayag sa panayam sa programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas kasabay na rin ng pagpapasalamat sa mga paaralan, kabilang na ang University of the Philippines, sa kanilang desisyon na ipagpaliban ang klase upang bigyang-daan ang pag-alala sa diwa ng People Power.
“Yung ginagawa natin ngayon ay napakaganda. I would like to congratulate all the Catholic schools, colleges and universities including the University of the Philippines for no classes today. But I think we have to deepen the experience of EPSA not just for one day,” ayon kay Msgr. Santos.
Dagdag pa niya, “I think we need to inject this in our Araling Panlipunan so that we really face the problem of denialism, and to be able to draw out the values of EDSA People Power ’86.”
Ang Papel ng Simbahan sa EDSA
Binalikan din ni Mgr. Santos ang mahalagang ginampanan ng Simbahan sa mapayapang rebolusyon noong 1986 at kung paano si Cardinal Jaime Sin, ang noo’y Arsobispo ng Maynila, ay agad na dumulog sa panalangin at nanawagan sa tatlong contemplative orders—ang Pink Sisters, ang Poor Clares, at ang Carmelites sa Gilmore—upang ipagdasal ang bansa.
” With hands outstretched, like Moses with the Amalekites. Sabi ng ani Cardinal Sin, ‘wag niyong ibababa ang mga arms ninyo until I tell you to do so.’ So grabe, that’s the first line of defense. It’s really a prayer power…And the sisters were the ones assisting us in the masses as well as in the prayers,” ayon pa kay Msgr. Santos.
Ang Hamon ng Kasalukuyan
Binigyang-diin ni Mgr. Santos na sa paglipas ng panahon, may panganib na malimutan o baluktutin ang tunay na diwa ng EDSA. Sinabi niyang kailangang tiyakin ng mga guro at mag-aaral na hindi mawawala ang mahahalagang aral ng People Power, lalo na’t may mga pagtatangkang baguhin ang kasaysayan.
Iginiit pa niya na kailangang maunawaan ng bawat isa ang mga nangyari sa nakaraan, upang hindi na maulit ang parehong pagkakamali.
Muli ring nanawagan si Mgr. Santos sa lahat ng paaralan na bigyang-pansin ang pagtuturo ng kasaysayan at ng mga aral ng EDSA sa mga kabataan.
“Hindi natin dapat kalimutan ang EDSA,” ani Mgr. Santos. “Ang ating pinakamahalagang tungkulin ay turuan ang susunod na henerasyon upang hindi na maulit ang madilim na bahagi ng ating kasaysayan. Ang edukasyon ang ating sandata laban sa kasinungalingan at panlilinlang. Kung tunay nating minamahal ang ating bayan, dapat nating panatilihing buhay ang diwa ng People Power.”
“We simply have to educate ourselves once again so that we don’t repeat history,” pagdiiin pa ni Msgr. Santos.
Samantala, patuloy na nagsasagawa ng iba’t ibang programa ang mga paaralan upang ipalaganap ang mga kwento at aral ng EDSA People Power Revolution. Kabilang dito ang mga seminar, exhibits, at talakayan upang tiyaking hindi mawawala sa kamalayan ng bagong henerasyon ang diwa ng mapayapang rebolusyon na nagbalik ng demokrasya sa bansa.