7,477 total views
Itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David bilang cardinal ng simbahan.
Inanunsyo ng santo papa ang paglikha ng 21 bagong cardinal ngayong araw na ito October 6 sa pinangunahang Angelus sa Vatican.
Si cardinal-designate David na kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang ikasampung Pilipinong cardinal kasunod nina Cardinals Jose Advincula, Orlando Quevedo, Luis Antonio Tagle, Gaudencio Rosales, Jose Sanchez, Ricardo Vidal, Jaime Sin, Julio Rosales at Rufino Santos.
Isasagawa ng Vatican ang consistory para sa mga bagong cardinal sa December 8, 2024 sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.
Itinaon din ni Pope Francis ang paglikha ng mga bagong cardinal bago ang pormal na pagbubukas ng Jubilee Year ng simbahang katolika sa 2025 kung saan itinakda ng santo papa ang pagbubukas ng Holy Door ng Vatican sa December 24, 2024.
Bagamat lima na ang ‘living Filipino cardinals’ tatlo lamang sina Cardinal-elect David at Cardinals Advincula at Tagle ang mapapabilang sa conclave sa panahong kinakailangang maghalal ng bagong santo papa dahil sina Cardinals Rosales at Quevedo ay lampas na sa 80 taong gulang at hindi na eligible bumoto sa conclave.
Si Cardinal-designate David ay ipinanganak noong March 2, 1959 sa Pampanga at naordinahang pari March 12, 1983.
May 27, 2006 nang hiranging Auxiliary Bishop ng Archdiocese of San Fernando Pampanga habang July 10, 2006 naman nang maordinahang obispo.
Makalipas ang halos isang dekadang paninilbihang katuwang na obispo ng Pampanga ay itinalaga ito ni Pope Francis bilang ikalawang obispo ng Diocese of Kalookan noong October 2015.