182 total views
Pinuri ng Simbahang Katolika at Malacanang ang pagdideklara ng New People’s Army ng temporary ceasefire sa mga lugar na naapektuhan ng 6.7 magnitude na lindol sa Surigao del Norte at Agusan del Norte.
Inihayag ni PCO Secretary Martin Andanar na kailangan ang Armed Forces of the Philippines para umagapay at tumulong sa isinasagawang damage assessment, rescue, evacuation at rehabilitation activities sa mga apektadong lugar.
Umaasa ang Kalihim na tunay na mapaninindigan ng armadong grupo ang kanilang idineklarang temporary ceasefire upang matutukan ng pwersa ng pamahalaan ang pagpapadala ng agarang tulong sa mga naapektuhan ng lindol.
Dagdag pa ng Kalihim, mas kinakailangan sa kasalukuyan ang pagkakaisa ng bawat mamamayang Filipino at pansamantalang pagsasantabi ng ilang mga personal na interes upang matulungan ang mga lubos na nangangailangan.
Patuloy naman ang panawagan ng tulong ng Caritas Manila at Diocese of Surigao para sa mga apektado ng lindol na dumadaing sa kasalukuyan ng kawalan ng ayudang pagkain at inuming tubig.
Ang Caritas Manila ay umaapela ng cash at in-kind donations para sa pangangailangan ng mga biktima ng lindol sa Surigao del Norte.
Para sa cash donations, maari itong gawin online sa pamamagitan ng http://ushare.unionbankph.com/caritas o maaring i-deposit sa Banco De Oro savings account number 5600-45905; Bank of the Philippine Islands savings account number 3063-5357-01; at Metrobank savings account number 175-3-17506954-3.
Maari ding magdeposit sa Caritas Manila dollar accounts: Bank of the Philippine Islands savings account number 3064-0033-55 with SWIFT code BOPIPHMM; Philippine National Bank savings account number 10-856-660002-5 with SWIFT code PNBMPHMM.
Puwede ding ipadala o idaan sa Cebuana Lhuillier ang donation ng libre o maaring i-dropped off Caritas Manila office, 2002 Jesus St., Pandacan, Manila o maging sa Radio Veritas office corner of West Avenue and Edsa, Quezon City.