241 total views
Ipinanalangin ng isang Obispo ngayong Valentines day ay magkaroon ng puso ang lahat na matulungan ang mga naging biktima ng lindol sa Surigao del Norte at Agusan del Norte.
Hiniling ni Laoag Bishop Renato Mayugba sa Diyos na ipagkaloob sa mga nagmamahal ang kalooban para sa mga biktima ng lindol.
“Ang ating panalangin po, inaanyayahan natin ang ating mga kababayan na manalangin sa araw na ito, araw ng puso na magkaroon tayo ng puso para sa ating mga kapatid, lalong-lalo na sa mga nasalanta ng napakalakas na lindol sa Surigao at Agusan. Tayo po’y nagdarasal na sana Panginoon ay basbasan ninyo ang lahat ng mga nagmamahal ngayon at ipagkaloob sa lahat yung kalooban para sa ating mga kapatid dun sa Surigao at anumang uri ng tulong na pwede nating maibigay sa kanila.” bahagi ng dasal ni Bishop Mayugba.
Ayon kay Bishop Mayugba, ang diwa ng selebrasyon ng Valentines day o ni St. Valentine ay ang pagmamahal na hindi pansarili kundi pagmamahal na umaabot sa pangangailangan ng kapwa.
“Ang diwa po ni St. Valentine ay yung pagmamahal na hindi lang pansarili kundi pagmamahal na umaabot sa pangangailangan ng kapwa. Sa araw na ito, ngayon po’y aming inaanyayahan na manalangin at tumulong sa ating mga kapatid dun sa Surigao, mga biktima ng malakas na lindol.”panawagan ng Obispo.
Magugunitang noong 2013, umabot sa 12.1-milyong piso ang naitulong ng Caritas Philippines habang 5-milyong piso naman ang naipagkaloob ng Caritas Manila sa mga naging biktima ng nagdaang lindol sa Bohol.