170 total views
Nanindigan ang Center for People Empowerment in Governance o CENPEG na hindi nararapat ihimlay sa Libingan ng mga Bayani ang dating diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos na nagpahirap at lumapastangan sa maraming karapatan ng mga mamamayan.
Ayon kay UP Prof. Ronald Simbulan – Vice Chairman ng CenPEG, nararapat ring bigyan ng karangalan ang naturang libingan na inilaan para sa mga mabubuting modelo at ehemplo para sa sambayanang Pilipino kaya’t hindi nararapat na pahintulutan ang paghihimlay dito sa dating diktador na lumabag sa maraming karapatang pantao at nagnakaw sa kaban ng bayan.
“We don’t agree that he should – former Dictator should be buried there even in a symbolic way dahil it supposed to be reserved for people whom we wants to be model, kaya nga siguro pinangalan ng ganun yung name niya ‘Libingan ng mga Bayani’ ..” pahayag ni Simbulan sa panayam sa Radio Veritas.
Nauna nang kinumpirma ni dating Senador Bongbong Marcos ang paglilibing sa kanyang ama sa ika-18 ng Setyembre ng kasalukuyang taon sa 103-ektaryang Libingan ng mga Bayani kung saan nakahimlay ang may 49-na-libong sundalo, war veterans at mga itinuturing na martir at bayani ng bansa.
Sa kabila nito, pinatawan ng 20-araw na Status Quo Ante Order ng Korte Suprema ang nakatakdang paglilibing sa dating Pangulo upang bigyan ng pagkakataong dinggin ang mga petisyong inihain ng iba’t ibang grupo laban dito.
Sa tala sa ilalim ng Batas Militar na nagsimula noong 1972, tinatayang aabot sa higit 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng Administrasyong Marcos habang sa isinagawang pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman noong 1988, nasa 100 milyong piso kada araw ang nawawala sa pera na bayan dahil sa laganap na katiwalian.
Nauna nang iginiit ni CBCP Episcopal Commission on the Laity Chairperson Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na hindi tamang bigyang parangal at ituring na bayani ang dating Pangulong Marcos dahil sa malaking kapinsalaang idinulot ng kanyang Administrasyon sa buong bayan partikular na ang mga paglabag sa karapatang pantao at katiwalian sa kaban ng bayan.