611 total views
Nanawagan ng panalangin si Puerto Prinsesa, Palawan Bishop Pedro Arigo para sa pagpapanibago at paggalang ng Chinese authorities sa International Law kaugnay na rin ng patuloy na pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Giit ng Obispo, nararapat na bigyang halaga ng alinmang bansa ang nasasaad sa batas at maging ang karapatan ng bawat bansa sa kabila ng hindi pagkakasundo at alitan.
“Ipagdasal na lang natin na somehow eh they will see the light eh matutong mag-recognized ng International Law at matutong mag-respect ng right ng Filipino and the other Asian neighbors..” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Arigo sa panayam sa Radio Veritas.
Una ng inihayag ng Obispo, na isang maganda at positibong pagbabago para sa mga Filipinong mangingisda ang panibagong pakikitungo ng Chinese Coastguard na sinasabing matapos ang pagpupulong ni President Rodrigo Duterte at Chinese Ambassador Zhao Jinhua ay hindi na itinaboy at pinaalis ng mga ito ang mga mangingisda sa karagatang sakop ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
“I have still to verify kung talagang totoo pero talagang matagal na yung areang yun ay off-limits na sa mga Palawan fishermen and other Filipino fishermen in-off-line na eh ngayon kung totoong pagkatapos ng pag-uusap ng ating Presumptive President Duterte eh luluwag na yung China, now that’s a very positive good development nuh..” Dagdag pa ni Bishop Arigo.
Kaugnay nga nito, batay sa mga paunang pahayag ni President Duterte asahan na ang pagsusulong ng kanyang Administrasyon sa Bilateral Agreement upang talakayin ang pagmamay-ari sa pinag-aagawang teritoryo ng iba’t ibang bansa bukod pa sa China.
Sa kasalukuyan, nasa International Court on Arbitration na ang apela ng Pilipinas sa pag-mamay-ari sa naturang teritoryo.
Kung saan inaangkin ng China ang halos kabuuan ng West Philippine Sea o South China Sea, kabilang na ang mga isla na bumubuo sa Spratlys.
Ayon sa 2010 Population Census ng National Statistics Office, umaabot ng 222 ang bilang ng populasyon na karamihan ay mga sundalo at sibilyan sa Isla ng Pag-asa na pinakamalaki sa walong isla na inaangkin ng China. Maliban sa China, inaangkin din ng Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan ang ilang bahagi ng teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.