311 total views
Biyayang maituturing ng Diocese of Tagum, Davao del Norte ang pagbisita ng imahen ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa parokya ng Sagrado De Corazon Parish.
Ayon kay Rev. Fr. Emerson Luego, director ng Caritas Manila Visayas – Mindanao Network, layon ng pagbisita ng imahen ng Itim na Nazareno na maramdaman ng mga mananampalataya roon ang presensya ng larawan na ang Simbahan ay aktibo sa pagtulong lalo na sa panahon ng kalamidad.
“Darating po dito ang Poong Nazareno, the Black Nazarene will be staying in my parish for one week at isa pakay nito na makatulong at mailaganap sa mga tao rito na ang Simbahan ay aktibo lalo na sa mga gawain na pagtulong sa mga kababayan lalo na kung may mga sakuna. One week po ang pag – stay ng Poong Nazreno rito at binabalita na rin namin kung ano yung pinaka – purpose namin na tutulong sa maidulot nito sa pagbisita ng Poong Nazareno dito sa Diocese of Tagum,” bahagi ng pahayag ni Fr. Luego sa panayam ng Veritas Patrol.
Iginiit pa ni Fr. Luego na ang makokolektang donasyon sa pilgrimage ng imahen ay makatutulong sa pagpapatayo ng disaster warehouse ng Caritas Manila at Radyo Veritas upang madaliang masaklolohan ang mga biktima ng kalamidad lalo na at papasok na ang panahon ng La Nina o tag – ulan.
“Practically, ‘yun talaga ang pinaka–purpose lalo na yung pagpapagawa ng ating facilities na napag – usapan namin ni Fr. Ric na in–charge ng Disater Management ng Archdiocese of Manila na makatulong ito sa pagpapagawa para sa mga volunteers natin na meron mga kainan, merong CR, merong office at tsaka yung kinomit ni Fr. Anton na magpagawa ng warehouse dito napakalaking bagay nito na makatulong sa mga gagawin nating mga proyekto para sa ating disaster team ng Caritas Manila at ng Radio Veritas,” giit pa ni Fr. Luego sa Radyo Veritas.
Nabatid na 14 mula sa 20 mahihirap na probinsya sa bansa ay mula sa Mindanao.
Gayunpaman, ay patuloy na pinaiigting ng Simbahan lalo na ng Caritas Manila at Radyo Veritas ang pagtugon sa panahon ng sakuna.