3,031 total views
Malugod na tinanggap ni Father Joel Saballa mula sa Diyosesis ng Novaliches ang bagong hamon ng serbisyo matapos maitalaga bilang bagong Deputy Executive Director ng Caritas Novaliches.
Nagpapasalamat din ang Pari kay Novaliches Bishop Roberto Gaa at Caritas Philippines Executive Director Father Antonio Labiao sa tiwalang ibinigay upang pamunuan ang Social Arm ng Diyosesis.
“Una po ako ay nakikiusap sa mga kapwa ko Pari at ang mga Layko ng Diocese of Novaliches na samahan po ako, hindi ko po ito eksklusibong trabaho, trabaho po natin itong lahat ito, tulungan po natin, at ang katagumpayan po ng Caritas ay katagumpayan ng ating Diyosesis.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Saballa.
Bilang bagong pinuno ng social arm ay nais pagtuunan ni Fr.Saballa ang pagbibigay ng livelihood training programs sa mga pinakamahihirap sa diyosesis at tulungan ang mga Children In-Conflict with the Law (CICL).
Ito ay upang maisabuhay ng Diyosesis ang tuluyang pagpapataas sa kalidad ng pamumuhay ng mga magiging benepisyaryo.
Kasabay ito ng adbokasiya na bigyan ng espiritwal na paggabay ang mga kabataang naliligaw ng landas upang sila ay maging huwaran at handa sa kanilang muling pakikiisa sa lipunan.
“Sana magampanan ko ito ng buong puso, at buong pagpapakumbabaan, at humihingi po akong ng panalangin ng lahat ng mananamapalataya particularly sa Diocese of Novaliches para po sa misyon na ito, samahan po ninyo ako at atin pong ipalaganap ang pag-ibig sa bagong liwanag.” bahagi pa ng mensahe sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Saballa.
Kaugnay nito, patuloy ang aktibong pakikipag-ugnayan ng Caritas Philippines sa may 60 diocesan social action centers na mayroong 500 hanggang 2,500 ang mga benepisyaryo.
Bahagi sila ng mga programang nagpapakain sa buong pamilya, nagpapaaral sa mga mahihirap na estudyante at nagbibigay ng ibat-ibang livelihood training programs