13 total views
Humingi ng paumanhin ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa pagkaantala sa pagpapalabas ng election data reports para sa 2025 National and Local Midterm Elections.
Sa pahayag ng citizen’s arm ng Commission on Elections (COMELEC) nitong Martes, May 13, 2025, ibinahagi ng PPCRV ang naranasang ‘technical issues’ kagabi matapos makatanggap ng election data bandang alas-8:15 ng gabi, sa iba’t ibang file formats na nagdulot ng pagkaantala sa pagproseso ng datos.
Napansin din ng PPCRV ang hindi pagtutugma ng ‘internal count’ sa mga naunang inilabas na datos mula sa transparency server, kaya minabuting pansamantalang huwag munang maglabas ng resulta upang masuri at matiyak na tama ang mga impormasyon.
“Upon further analysis, we found that our data—though different at the time—was accurate, reflecting proper filtering of duplicate entries. We are now releasing this verified dataset,” pahayag ng PPCRV.
Napansin din na 79.9% lamang ang natanggap na election returns ng PPCRV, kumpara sa inilalabas na 98.75% transmission ng COMELEC sa public access website.
Agad namang nakikipag-ugnayan ang PPCRV sa COMELEC upang linawin ang discrepancy at umaasang agad itong matutugunan.
Paliwanag pa ng PPCRV, ang mga suliraning ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng Random Manual Audit (RMA) na maaaring matukoy kapag may insidente ng overvoting o hindi sinasadyang pagboto.
Gayundin, ang Unofficial Parallel Count (UPC) na magsasagawa ng pagkukumpara sa physical election returns at mga transmitted results upang tiyakin ang tama at tapat na bilang ng mga boto.
Nagsimula na ang auditing ng PPCRV bandang alas-10 ng umaga at umaasang magiging maayos ang resulta sa mga susunod na oras at araw.
“In the spirit of transparency and integrity, we share this explanation with the public. We remain committed to our role as a Citizen’s Arm and will continue to seek clarification and ensure public trust in the process,” ayon sa PPCRV.