231 total views
Iminungkahi ng Catholic Church Anti– gambling crusader sa pamahalaan na gamitin ang pondo ng Conditional Cash Transfer Program o CCT sa pagbibigay ng livelihood assistance sa mga empleyadong maaapektuhan ng pagpapasara sa mga pasugalan sa bansa.
Ayon kay dating CBCP – President at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dahil sa kawalan ng opurtunidad sa bansa ay napipilitan ang mga Pilipino na pasukin pati ang mga ilegal na trabaho sa bansa tulad ng dumaraming bilang ng E–Bingo stations maging ang ilegal na droga.
Iginiit rin ni Archbishop Cruz na talamak ang korapsyon sa mga lider ng barangay na nagpapatupad ng CCT kaya’t mainam na ilaan na lamang ito sa pagbibigay ng alternatibong trabaho sa mga apektadong manggagawa.
“Mula’t sa mula dito sa Pilipinas hindi naging sapat ang trabaho kaya naman meron tayong OFWs. Kaya sana itong administrasyon na ito konting isip, konting paraan para lumikha ng livelihood program. Yung CCT yung Conditional Cash Transfer yun ay limos at andaming korapsyon nangyayari diyan… Itong CCT gawing livelihood program at kooperatiba para trabaho hindi limos,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na halos 200 ang e-bingo stations na walang license to operate mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR ang ipasasara ngayong buwan.
Apat na e-bingo stations naman sa Quezon City ang isinasailalim sa surveillance sa hinalang ginagawa itong mga transaction site ng mga small-time drug trafficker at pugad ng prostitusyon.
Ipinabatid rin ni Archbishop Cruz na umiiral ang litanya ng bisyo sa mga nalulong sa pasugalan na tinatangkilik na rin ang iba pang uri ng bisyo tulad ng droga at pambababae.
“Talagang ang bisyo dugtong – dugtong yan, ‘litany of vices’ yan. Kapag ikaw ay nakapaloob sa isang bisyo imposibleng yung bisyo lang na iyon ang iyong isasabuhay dugtong – dugtong sila katulad ng mabuting gawa. Kapag mabuti ang gawa mo mas marami ka pang mabuting gagawin. Ang bisyo ganun rin kapag masama ang iyong gawain may masama ka pang gagawin,” paliwanag pa ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.