222 total views
April 4, 2020, 2:53PM
Ipinaliwanag ni Ozamiz Archbishop Martin Jumoad na ang Linggo ng Palaspas ay pagkakataong pagnilayan ang mga halimbawa ni Hesus na tumugon sa kalooban ng Diyos Ama.
Ayon sa arsobispo, isang malaking hamon at magandang pagkakataon para pagnilayan ang kasalukuyang sitwasyon sa mundo na humaharap sa matinding pagsubok dulot ng corona virus disease habang nalalapit ang Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Sinabi ni Archbishop Jumoad na ang pagpasok ni Hesus sa Jerusalem ay pagpapakita ng pagiging masunurin sa Ama kaya’t dapat ding isabuhay ito ng mamamayan sa gitna ng krisis na kinakaharap.
“Ang Palm Sunday ay isa ring occasion in the time of Jesus who went to Jerusalem, He obediently accepts the will of the Father; sana po bigyan din natin ng obedience ang hiling ng gobyerno sa gitna ng pandemic na ito,” pahayag ni Archbishop Jumoad sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng arsobispo na ang pagdiriwang na ito ay hudyat ng pag-alay ng buhay ni Hesus alang-alang sa katubusan ng sanlibutan mula sa kasalanan.
Hinikayat ni Archbishop Jumoad ang mamamayan na sundin ang mga alituntuning ipinatupad ng pamahalaan lalo na ng mga eksperto sapagkat ito ay para sa kabutihan ng bawat isa na maligtas mula sa nakahahawang COVID 19.
Ayon kay Archbishop Jumoad, mahalaga sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas ay suriin ang bawat sarili kung tayo ay nakasusunod sa kalooban ng Panginoon tulad ng ginawa ni Hesus sapagkat ito ang mabisang paraan upang magkamit ng katubusan.
“If we are obedient to the will of the Father, we can say ‘Lord, I am now joining you in order that I will be able to experience salvation,” dagdag ng arsobispo.
Ipagdiriwang ng Archdiocese of Ozamiz ang mga banal na gawain ngayong Semana Santa gamit ang social media dahil na rin sa nagpapatuloy na community quarantine upang labanan ang paglaganap ng virus sa pamamagitan ng pag-iwas sa malakihang pagtitipon.
Hamon ng arsobispo sa mananampalataya na gumawa ng paraan upang makamtan ang tunay na kaligtasan na minimithi ng bawat isa.
“Sana po lahat ay makinig sa konsiyensya, sana po tayo ay makinig, tayo ay binigyan ng panahon para makamit natin ang ating salvation,” giit ng arsobispo.