1,980 total views
Pina-igting ng Church People Workers Solidarity (CWS) ang pakikiisa sa mga manggagawa upang mapalakas ang panawagan na itaas ang kanilang suweldo.
Ito ang tiniyak sa paggunita ngayong araw sa International Day of Equal Pay ni Father Noel Gatchalian, chairman ng CWS National Capital Region.
Iginiit ng Pari na napapanahon na ang kagyat na pakikinig ng pamahalaan upang itaas sa 150 hanggang 750-pesos ang matatanggap na minimum wage ng mga manggagawa sa buong Pilipinas dahil narin sa nararanasang mataas na inflation rate.
Binigyan diin ng Pari ang nararapat na pagpapahalaga sa mga manggagawa na nagpapasigla sa ekonomiya ng bansa.
“Si Saint John Paul II ay nagkaroon ng mensahe sa Laborem Exercens na kaniyang ensilikal letter, sinasabi niya na dapat nating bigyan ng halaga ang mga manggagawa lalu na ngayon sa kalagayan na napakarami ang walang trabaho at lalung-lalu na yung mga underemployed,”pahayag ni Fr.Gatchalian
Hinimok rin ni Father Gatchalian ang mamamayan na paigtingin ang kanilang pakikiisa sa sektor ng mga manggagawa upang mapalakas ang ipinanawagan na katarungang panlipunan.
Aminado ang Pari na nararanasan ng mga ordinaryong mamamayan ang pasakit ng mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, noong Agosto ay umaabot na sa 1,178-pesos ang Family Living Wage sa National Capital Region ng dahil sa pananatiling mataas ng presyo ng bigas at iba pang serbisyo.