5,056 total views
Homily for the Feast of the Queenship of Mary, 22 August 2024, Lk 1,26-38
Isa sa paborito kong kanta sa blockbuster comedy film “Sister Act” ni Whoopi Goldberg ay ang “Hail Holy Queen Enthroned Above”. Hindi alam ng marami na ang kantang iyon ay isa sa pinakamatandang panalangin tungkol kay Mama Mary. Kilala ito ng lahat ng Katolikong marunong magdasal ng rosaryo, dahil ito ang pinaka-concluding prayer sa dulo ng pagrorosaryo. Ayon sa kasaysayan, ang pinagmulan ng komposisyon ng panalanging ito ay ang monsateryo ng mga Cistersians noong 11th century.
Pero ang Catholic doctrine tungkol kay Mama Mary bilang Reyna ng Langit ay noon lamang 1954 dineklara ni Pope Pius XII. Konektado ito sa Assumption o Pag-akyat ni Maria sa Langit na katatapos lang nating ipagdiwang noong August 15. Kung ano ang ipinahahayag natin sa Kredo tungkol sa Panginoong Hesukristo, ipinahahayag din natin tungkol kay Maria. Di ba sinasabi natin “Umakyat si Kristo sa langit at naluklok sa kanan ng Ama…”. Kaya sinasabi rin natin “Iniakyat si Maria sa langit at iniluklok sa kanan ng Anak niya bilang Reyna.” Parte kasi sa tradisyon ng mga Hudyo na kapag naluklok sa trono ang Hari ng Israel, iniluluklok din ang nanay sa kanan niya bilang Reynang Ina. Sa First Book of Kings 2:20, nang maluklok si Solomon bilang Hari ng Israel, iniluklok din niya si Bathsheba na nanay niya bilang Reyna at sinabi pa niya, “Humiling ka sa akin, inay, hindi kita tatanggihan.”
Sa ebanghelyong binasa natin, sinabi daw ng anghel kay Maria, “Ang anak na isisilang sa iyo ay iuupo sa trono ng Ama niyang si David at maghahari siya sa lahi ni Jacob magpakailanman at ang paghahari niya ay walang hanggan.”
Matagal na pinagtalunan ng maraming mga Kristiyano ang tungkol sa papel ni Maria sa buhay at misyon ng Anak niya. Pati nga ang title na “Mother of God” o “Ina ng Diyos” ay hindi matanggap ng maraming kapwa Kristiyano natin. Sinasabi nila, si Maria daw ay Ina ni Hesus sa pagkatao lamang niya, hindi sa kanyang pagka-Diyos dahil daw wala namang nanay ang Diyos. Pero nanindigan ang mga Kristiyanong Katoliko, pati na rin ang mga Orthodox—na hindi mapaghihiwalay ang pagkaDiyos at pagkatao sa iisang persona ng Panginoong HesuKristo. Kaya sa lahat ng ipinahahayag natin tungkol sa Anak niya, laging damay ang nanay niya. Pag sinabi natin “Anak ng Diyos” si Hesus na Anak niya, sinasabi rin nating “Ina ng Diyos” ang Nanay niya. Kapag ipinahahayag natin na si HesuKristo ay “Hari ng Sanlibutan”, edi “Reynang Ina” ang Nanay niya! Damay-damay, ika nga. Karamay siya sa pagdurusa bilang Mater Dolorosa. Karamay din sa kaluwalhatian bilang Regina Coeli (Reyna ng Langit).
Balikan natin ang kuwento ng Sister Act. Deloris Wilson ang pangalan ng karakter na naging papel ni Whoopi Goldberg sa pelikulang iyon. Dahil naging witness siya sa isang krimen, ipinasok siya ng kapulisan sa Witness Protection Program at ipinakiusap na itago muna siya sa kumbento ng mga madre. Kaya nadamay din ang madre sa gulo sa buhay ni Deloris Wilson. Nagkataon naman na dahil dating performing artist pala siya sa isang bar at mahusay kumanta, nadamay rin naman ang mga madre sa galing niya sa musika. Ginawa siyang choir master at binigyan ng modern style ang mga kanta nila, kaya dinumog daw ng mga nagsisimba ang simbahang kinakantahan nila, pati ang Santo Papa nakinig sa kanila. Madadamay ka rin sa pag-indak, lalo na doon sa parte ng rendition nila ng Hail Holy Queen na magiging modern ang beat sa bandang gitna.
Damay-damay. Ito ang pahayag ng simbahang Katolika sa araw na ito ng feast of the Queenship of Mary. Aba Mahal na Reyna, Ina ng Awa, aming Buhay at Katamisan. Bakit? Sinasabi lang natin, “Dahil sa iyo, may pag-asa na rin ang buong sangkatauhan, dahil ang dangal na kaloob ng Diyos sa iyong abang pagkatao ay mapapasaamin din.” Damay damay nga, di ba?