435 total views
Magkakaroon lamang ng patutunguhan ang iba’t ibang dayalogo kung magbibigayan ang parehong partido at magkokumprumiso.
Ito ang inihayag ni Palawan Bishop Pedro Arigo kaugnay sa nauna ng pag-iimbita ng China ng dayalogo kay Presumptive President Rodrigo Duterte upang talakayin ang patuloy na agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Paliwanag ng Obispo, magiging makabuluhan lamang ang mga talakayan kung tunay at bukal sa loob ng parehong partido ang pagkakasundo.
“Early na at this point nag-i-invite na ang China sa incoming Administration to have a dialogue pero ang aking comment dyan, fruitfull yan kapag yung both parties ay sincere..” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Arigo sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, kasalukuyan ng nasa International Court on Arbitration ang apela ng Pilipinas sa pag-mamay-ari sa naturang teritoryo. Kung saan inaangkin ng China ang halos kabuuan ng West Philippine Sea o South China Sea, kabilang na ang mga isla na bumubuo sa Spratlys.
Samantala ang Pag-asa ang pinakamalaki sa walong isla na inaangkin ng Pilipinas na tinatawag ring Kalayaan Island Group.
Ayon sa 2010 Population Census ng National Statistics Office, umaabot ng 222 ang bilang ng populasyon ng Pag-asa, na karamihan ay mga sundalo at sibilyan. Bukod dito, mayroon ring airstrip, commerical communications tower, at power generators ang 37-ektaryang Pag-asa Island.
Maliban sa China, inaangkin din ito ng Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan. Maliban sa Brunei, nagpadala ang mga bansang ito ng militar upang markahan ang inaangkin nilang teritoryo sa karagatan — na umano’y mayroong maraming oil at gas deposits.