1,183 total reads
Tiniyak ng mga Augustinian Recollect sa bansa ang pagpapalakas ng debosyon kay San Ezekiel Moreno bilang instrumento ng pag-asa at pagpapagaling, lalo na para sa mga may kanser.
Ito ang mensahe ni Fr. Bernard Amparado, OAR, prior provincial ng Province of St. Ezekiel Moreno, sa paggunita sa ika-120 anibersaryo ng pagpanaw ng patron ng mga may kanser nitong August 19.
Ayon sa pari, mahalagang mapalawak ang debosyong nakatuon sa mga nakikipaglaban sa kanser, lalo na sa patuloy na pagdami ng mga nagdurusa sa sakit.
“We are actively ensuring that this devotion serves as an instrument of hope and healing for cancer patients,” pahayag ni Fr. Amparado sa Radyo Veritas.
Sa datos ng Philippine Cancer Society (PCS), may 150,000 bagong cancer cases kada taon sa bansa kung saan karaniwan ang breast at cervical cancers.
Sinabi ni Fr. Amparado na hindi lamang nananatili sa personal na debosyon ang pagkilala kay San Ezekiel, kundi isinasabuhay ito sa pamamagitan ng mga gawaing pastoral para sa mga maysakit, kabilang ang pagpapahid ng langis sa mga may karamdaman at ang pampublikong pagpaparangal sa kanyang mga relikya.
Samantala, sa homiliya ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown sa San Ezekiel Moreno Novitiate House sa Antipolo City sa karangalan ng santo, sinabi nitong ang pagharap sa karamdaman ay hindi dapat maging dahilan upang mapalayo ang isang tao kay Kristo.
“Those sufferings didn’t separate him from Jesus. They actually made him realize, in a mysterious way, that Jesus was close to him, even in the midst of his suffering,”
Ayon sa nuncio, naging makabuluhan kay San Ezekiel ang mga pagdurusa na kanyang pinagdaanan sapagkat lalo nitong ipinakita sa kanya ang pagiging malapit ni Hesus sa gitna ng paghihirap.
Partikular na ipinapanalangin ni Archbishop Brown ang mga may karamdaman, lalo na ang mga may cancer.
“I pray, and I offer this Mass for all of you, especially those of you who are suffering or struggling with any kind of illness, so that in that illness God will show his face to you in the person of Jesus,” saad ng nuncio.
Hinimok din ng nuncio ang mga deboto na manatiling malapit sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin at matibay na pananampalataya.
Paliwanag ni Archbishop Brown na ang pagiging epektibong saksi at misyonero ng pananampalataya ay nagmumula sa malalim na ugnayan sa Diyos.
Sa kasalukuyan ay patuloy na lumalawak ang debosyon ni San Ezekiel sa bansa. Bukod sa pagdalaw ng kanyang relikya sa iba’t ibang simbahan ay ipinagdiriwang na rin ang kapistahan ng santo sa lahat ng simbahan sa bansa.
Dalawang taon ang nakalilipas nang pinagtibay ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang paggunita sa kapistahan ni San Ezekiel Moreno, dahilan upang hindi na lamang ito maging lokal na pagdiriwang ng mga Augustinian Recollect kundi isang pambansang kapistahan.
Ibinahagi ng lider ng mga Rekoleto sa Pilipinas na dumarami na rin ang mga parokyang kumikilala kay San Ezekiel bilang kanilang patron, habang patuloy ang pagpaparangal sa kanyang mga relikya at mga gawaing pastoral para sa mga maysakit.
Si San Ezekiel na tubong Spain ay dumating ng Pilipinas noong 1870 at naordinahang pari sa Intramuros, Manila noong 1871.
Naglingkod ang santo sa Maynila, Palawan, at Mindoro bilang misyonero sa loob ng 15 taon.
Naging misyonero rin ito sa Colombia bagong maging obispo sa Spain. Sa kabila ng kanyang karamdaman na cancer ay patuloy ang kanyang gawaing pagmimisyon hanggang sa pumanaw noong August 19, 1906.
Ganap na napahanay sa mga banal si San Ezekiel sa canonization na pinangunahan ni Pope St. John Paul II noong 1992 at kinilala bilang patron ng mga may kanser.




